Masakit man isulat ko ito, subali’t tila natutulog sa pansitan ang pamunuan ng NLEX tungkol sa mainit na isyu sa sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian tungkol sa imbudong trapik na nangyayari sa NLEX. Ito ay dulot umano ng kapalpakan ng pagbasa ng RFID sa kanilang mga toll booth. Dumagdag pa rito ang mahabang pila ng mga motoristang nais magpakabit ng RFID. Ito ay dulot sa kautusan ng DoTR sa paglipat sa “cashless transaction” sa lahat ng mga expressway sa buong bansa.
Simula nitong buwan ng Disyembre ay hindi na puwede ang mga sasakyan na walang RFID sticker na lumayag sa mga expressway. Kailangan ay magpadikit sila ng nasabing sticker bago makapasok. Sa susunod na taon ay huhulihin na ang kung sino mang sasakyan ang magpipilit na gumamit ng mga expressway na walang karampatang RFID.
Ngayon, bumalik tayo sa mainit na isyu sa pagitan ng NLEX at ng pamunuuan ng Valenzuela City. Sa totoo lang, nagkaroon ng kakulangan ang mga opisyal ng NLEX upang pakinggan ang hinaing ni Mayor Rex Gatchalian. Akalain mo ay may lakas pa ng loob magsabi ang Chief Operating Officer (COO) ng NLEX na si Raul Ignacio sa kanyang interview sa media na wala naman siyang nakikitang problema sa mabigat na trapik na nangyayari sa NLEX dulot ng RFID! Dagdag pa rito ay sinabi niya na ang lungsod lamang ng Valenzuela daw ang umaangal sa mabigat na trapiko. Susmaryosep!
Imbes na makipagtulungan sa kanilang mga stakeholder tulad ng Valenzuela City ay tila parang binalewala nila ang sinasabi ni Mayor Gatchalian. Sakop ng Valenzuela City ay bungad ng NLEX. Halos lahat ng mga motorista mula sa Metro Manila ay dadaan sa mga tollbooth sa lugar nasabing siyudad. Natural na rito magsisimula ang imbudo. Kaya naman tama lang ang sinasabi ni Mayor Rex.
Sa mga binitawan na komento ni COO Ignacio sa media ay tila hamon kay Mayor Rex. Kilala ko si Mayor, ang puso ay nakalaan sa kapakanan ng Valenzuela City. Makikita ang ebidensya sa mabilis na pag-unlad ng nasabing siyudad. Pati sa isyu ng pandemiya ng Covid-19, ang Valenzuela City ang isa sa mga nagunguna sa pagtugon upang labanan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit. Kaya mahirap pagdudahan ang isyu na kanyang idinudulog laban sa NLEX.
Dahil hindi naniniwala si Ignacio, pinatunayan ni Mayor Rex ang kanyang hinaing at agarang nagpalipad ng drone sa kahabaan ng NLEX upang patunayan ang kanyang sinasabi. Pinakita pa niya ang awtoridad niya laban sa NLEX at nagbanta na maari niyang bawiin ang business permit at iba pang mahahalagang permiso sa ilalim ng kanyang pamahalaann na maaring suspendihin laban sa NLEX.
Hay naku Ginoong Ignacio, dapat sana ay nakinig ka na lamang sa sinasabi ni Mayor Rex at pag-aralan kung papaano magawan ng paraan sa idinudulog ng Valenzuela. Hindi naman mahirap kausapin si Mayor Rex. Subali’t sa ginawa ni Ignacio ay mas pinalala pa niya ang problema ng NLEX.
Hindi ko tuloy mapigilan ikumpara ang pamunuan ng SLEX kung papaano nila hinawakan ang problema nila noong panahon na nagkaroon sila ng expansion project sa Alabang patungo sa Bicutan Exit. Nagdulot ng matinding trapik na umabot hanggang sa San Pedro, Laguna.
Nakinig ang pamunuan ng SLEX sa hinaing ng mga motorista at ang lokal na pamahalaan. Inamin nila ang perwisyong idinulot ng kanilang proyekto at gumawa ng paraan upang maibsan ang pahirap ng mga motorista na bumabaybay sa SLEX.
Sana ay magsilbing aral ito sa NLEX. Tamang komunikasyon at ugnayan lang po ang kailangan.
Comments are closed.