NMIS NAGBABALA VS IMPORTED MEAT PRODUCTS ONLINE

MULING binalaan ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang publiko sa pagbili ng meat products sa online transactions.

Ayon sa NMIS, walang katiyakan na may kaukulang dokumento tulad ng certificate of meat inspection ang meat traders na nagbebenta ng imported na karne.

Hindi rin umano ito dumaan sa masusing inspeksyon at hindi ligtas kainin ng publiko.

Ginawa ng NMIS ang apela kasunod ng pagkakakumpiska ng expired meat products sa isang storage facility sa San Pedro St., Balut, Tondo, Maynila nitong Miyerkules.

Sa isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng NMIS at iba pang law enforcement groups, aabot sa 3,090 kilong expired na pork mask na nagmula sa Germany at 1,300 kilo ng expired Beef Forequarters ang nakumpiska.

Ang mga kontrabando na nagmula sa Germany ay may importation ban dahil sa African Swine Fever (ASF).
EVELYN GARCIA