LAGUNA – BUMAGSAK sa kamay ng pinagsanib na kagawad Provincial Highway Patrol Team (PHPT) at Sta. Cruz PNP ang isang Grab driver makaraan ang mahigit na apat na taong pagtatago nito sa batas sa Sitio 4, Bgy. Oogong, bayan ng Sta. Cruz ng lalawigang ito.
Base sa ulat ni PLt. Col. Gaoiran, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang naarestong suspek na si Edilberto Balatian y Fernandez Jr, 37-anyos, residente ng Vista Verde Subdivision, Bgy. Caybiga, Caloocan City.
Sa talaan, lumilitaw na nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek na kinabibilangan ng Qualified Rape (2 counts) matapos halayin ang kanyang stepdaughter na menor de edad sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna noong 2019.
Bukod dito, ayon kay Laguna PHPT Chief PCapt. Charlie Reyes na may nakabinbin pang kaso ang suspek ng paglabag sa RA-10883 – Anti Carnapping Act of 2016 makaraang tangayin nito ang kotseng Hyundai Accent na pag-aari ng kanyang hipag taon 2016 kabilang ang kinasasangkutan pang kaso na Reckless Imprudence Resulting to Homicide (RIR) sa Ermita, Manila noong Nobyembre 13, 2020 na ikinasawi ng biktimang si John Paul Alindogan matapos mabundol ang minamaneho nitong motorsiklo kung saan nagawa pa umano nitong takbuhan.
Sa imbestigasyon, bandang ala-1:45 ng hapon nang magkasa ng Operation Manhunt Charlie ang mga Warrant Personnel na sina PMSgt. Rex Cabrera, PCpl. Algy Riguer, PCpl. Melvin Belen at PHPT Team Leader PCMS Aldwin Blaza nang mapag-alaman ang pinagtataguan ng suspek at bitbit ang dalawang Warrant of Arrest.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bayan ng Sta. Cruz kung saan walang kaukulang piyansang inilaan ang korte sa kasong Qualified Rape habang P300,000 naman ang piyansa sa kasong Carnapping. DICK GARAY
Comments are closed.