NO. 1 SOURCE NG DROGA MULA SA LOOB NG NBP – DILG

IPINAHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. na nasa loob pa rin ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang number one source ng droga sa Pilipinas.

“This time we are going heavy on the supply side,” ani Remulla sa press briefing sa Malakanyang.

“Number one source (of the) drug trade is apparently still inside Muntinlupa jail,” diin ni Remulla.

Nauna rito, pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government (DILG), the Department of Justice (DOJ), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Phi­lippine National Police (PNP) at ipinag-utos na palakasin ang pagtutulu­ngan para sa paglaban ng administrasyon kontra ile­gal na droga.

Aniya, tinukoy ng mga awtoridad ang 200 high-profile detainees na ililipat sa ibang pasilidad.

Hindi naman binanggit ng Kalihim kung saan ang pasilidad na ito.

”Yung first identification natin ‘yung 200 high-value detainees sa loob ng Muntinlupa apparently are still active from intercep­ted communications and intelligence briefings,” ayon sa Kalihim.

“Maliwanag na mayroong mali sa loob ng sistema at ang pagpapalit ng mga tauhan ng [NBP] ay hindi ang sagot. Kaila­ngan nating baguhin ang lokasyon, baguhin ang kanilang availability, baguhin ang kanilang accessibility para ‘yung communication sa outside world is curtailed, ” diin ng kalihim.

Dagdag pa nito, may ideya ang Pangulo kung sinu-sino ang mga perso­nalidad na ito.

EVELYN GARCIA