NAG-VIRAL sa social media ang numerong 14 noong Valentine’s Day matapos gamitin ito ng mga Pilipino para suportahan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano, na 14 ang numero sa balota sa pagtakbo niya bilang senador sa darating na halalan.
Ito ay bilang pagtugon ng mga tagasuporta ni Cayetano sa kangyang eco-friendly campaign upang makabalik sa Senado matapos manawagan ang dating speaker na samahan siya ng taumbayan sa social media platforms dahil hindi siya magpapaimprenta ng mga poster, flyers at iba pang campaign materials ngayong kampanya bilang pakikiisa sa pangangalaga sa kapaligiran.
Bumuhos ang mga Valentine’s Day post na punom-puno ng pagmamahal mula sa mga taga-suporta ni Cayetano para maisulong ang kanyang pagbabalik-Senado. Kasabay nito ang paglabas ng resulta ng Pulse Asia survey kung saan namayagpag muli si Cayetano sa senatorial race.
Itinampok ng ilang mga post ang pagmamahal sa Diyos at kapwa, pati na rin ang bayanihan at pagmamahal sa kapaligiran at pamilya.
“The sense of community or family really comes from loving God above everything and everyone, then loving your neighbor as yourself,” sabi sa isang post.
Karamihan sa nasabing posts ay naglalaman ng mensaheng, “One 4 Kuya Alan! One 4 Every Juan.” Tinawag naman ng ibang mga netizen ang number 14 bilang “ang pinakamapagmahal na numero sa balota. Nag-post din ang mga netizen ng mga video tungkol sa paksa ng pag-ibig, pagmamahal para sa isang tao, at pagmamahal para sa trabaho.
Katulad ng ginawa ng karamihan, ang mga video ay tungkol sa number 14. Happy Valentine’s Day! Punuin natin ng pagmamahal ang araw na ito mga kababayan! Binanggit naman ng iba ang sinabi mismo ni Cayetano: “Napakahirap man ng ating pinagdaanan nitong nakaraang taon, nawa ay maging daan ito upang lalong tumibay ang ating pananampalataya sa Diyos at pagmamahal sa kapwa.”
Sumali rin sa naturang trend ang ilang mga atleta. Ika nila, “Galing ng mga atletang Pilipino ay kanyang pinaniwalaan, mula noon hanggang ngayon hindi niya kami pinabayaan. Kaya naman sama-sama tayo sa darating na halalan, #14 sa balota, Senador Alan Peter Cayetano, atin s’yang suportahan!
Si Cayetano, na senador noong 2007 hanggang 2017 at naging Senate Majority Floor Leader at chair ng Senate Committee on Rules, ay nagpasimuno ng isang eco-friendly campaign noong nakaraang linggo. Hiniling niya sa publiko na huwag mag-print ng mga poster, flyer, at iba pang traditional campaign materials na nakasasama sa polusyon.
Ayon sa dating Speaker, nakapagkolekta ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng humigit-kumulang 168.84 tons – o 28 truck na basura – ng election-related materials noong Marso 1 hanggang Mayo 14, 2019 sa Metro Manila.
Upang makatulong, minabuti ng dating House Speaker na hilingin sa kanyang mga taga-suporta na magtanim ng mga puno at mangroves o ‘di kaya’y mag-urban farming sa pamamagitan ng backyard gardens. Isinulong din niya sa kanyang mga taga-suporta ang mga sustainable practices. Para sa kanya, ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ay nakasalalay sa kasalukuyang mga gawain.