BUKIDNON -NAPATAY sa isinagawang joint anti communist terrorist operation ng 16th Infantry Battalion ng 4th Infantry Division at PNP’s Special Action Force ang tinaguriang CPP-NPA Terrorist’s number 2 Commander sa Mindanao at kasama nito matapos ang 30 minutong engkuwentro sa Barangay Kalabugao, Impasugong sa lalawigan ito.
Ayon kay Lt Col Neil Armstrong Batayola, Commanding Officer 16IB sa ilalim ng 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army na nakatanggap sila ng sumbong mula sa ilang concerned citizen hinggil sa mga armadong kalalakihan na gumagawa ng karahasan sa kanilang lugar.
Agad na nagkaroon ng palitan ng putok nang matunton ng tropa ng pamahalaan ang pulutong ng communist terrorist group na nagresulta sa pagkakadiskubre sa dalawang bangkay ng lalaki at isang AK47 Rifle at isang Caliber . 45 Pistol, Anti-Personnel Mine (APM), tatlong backpacks na may personal na gamit at subersibong dokumento sa lugar ng engkuwentro.
Ayon kay Lt Gen. Greg T. Almerol, Commander ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ang mga nalalabing kasapi ng CPP-NPA sa kanilang nasasakupan ay mistulang “headless monster” na tumatakbo.
Ito ay matapos na mapatay ng kanyang mga tauhan sina Pedro Codaste alias Gonyong/Serv, NPA’s number 2 Commander sa Mindanao dahil sa pagiging Deputy Secretary ng Komisyon Mindanao (KOMMID) at isang alias Zandro,a CNT member.
Si Codaste ay kinokonsiderang Acting Chairman ng NPA’s Komisyun Mindanao (KOMMID) matapos na mapatay sina Antonio Cabanatan, Jorge Madlos at Menandro Villanueva.
Kasapi ito ng Communist Party of the Philippines’ (CPP) Central Committee, National Democratic Front (NDF) Consultant, Deputy Secretary KOMMID, dating Secretary ng Guerilla Front 4A (GF4A) sa Agusan del Sur nuong early ’90s, hanggang sa maging Secretary ng North Central Mindanao Regional Committee noong 2009.
Ayon kay Almerol, sa pagkamatay ni Codaste ay nabigyan din ng hustisya ang mga biktima ng karahasan sa Mindanao. Ang napaslang ay pakay ng multiple warrants of arrest sa kasong murder, double frustrated murder, at attempted murder mula sa Regional Trial Court, 10th Judicial Region of Malaybalay City, Bukidnon simula pa noong Agosto 2018. VERLIN RUIZ