NO. 3 MOST WANTED NG NPD NALAMBAT

NALAMBAT ng mga tauhan ng Valenzuela Police ang isang 29-anyos na lalaki na kinikilalang No. 3 most wanted ng Northern Police District (NPD) sa Pasay City.

Kinilala ni Lt. Robin Santos, hepe ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ang naarestong akusado na si Nelvin Aure ng Anville Subdivision, Barangay Maysan, Valenzuela City.

Ayon kay Santos, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng akusado sa Pasay City kaya agad siyang bumuo ng team saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Aure sa Arnaiz St., Libertad dakong alas-10 ng umaga.

Si Aure ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Robbery na inisyu ni Judge Emma Matammu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 269 ng Valenzuela City noong December 20, 2021 na may P100,000 bail.

Nabatid na si Aure ang isa sa dalawang suspek sa insidente ng robbery hold-up sa isang industrial company sa Canumay West, Valenzuela City noong nakaraang Disyembre.

Umabot sa kabuuang P198,000 cash na para sa payroll at mga personal gadget ang nakuha sa mga empleyado ng kumpanya. VICK TANES