No. 4 SASAKMALIN NG TIGRESSES

TIGRESSES-4

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)  

8 a.m. – UE vs DLSU (Men)

10 a.m. – UST vs NU (Men)

2 p.m. – UE vs DLSU (Women)

4 p.m. – UST vs NU (Women)

 UMAASA ang University of Santo Tomas na madadala ang momentum ng shock win nito laban sa titleholder De La Salle sa pagsagupa sa youthful National University sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayong alas-4 ng hapon sa Filoil Flying V Centre.

Sa kabila ng pagkawala ni injured Milena Alessandrini ay naitakas ng  Tigresses ang 25-20, 25-22, 25-17 panalo laban sa Lady Spikers noong Miyerkoles.

“Nawala si Milena, pero we have 13 strong women na haharap sa kung sino man ang magiging kalaban namin,” wika ni UST coach Kungfu Reyes.

Determinadong makabalik sa ‘Final Four’,  ang Tigresses ay naghahanda para sa mas mabibigat na hamon sa kanilang nalalabing siyam na laro.

“Ngayon, lumangoy kami. Lahat dikit-dikit na, eh. Ang importante naman ngayon, ‘yung every game, saka na kami ku-kuha ng dividend sa dulo. Kung ano ‘yung pinag-ipunan namin, kukunin namin sa dulo ‘yung tubo,” sabi ni Reyes.

“Ang importante rin, ‘yung ma-motivate ‘yung player, ‘yung mental baggage, kaliwa’t kanang distraction. So ‘yun ang nili-limit namin sa kanila ngayon, ‘di kami mag-entertain as much as possible ng negative vibes,” dagdag pa niya.

Nakaipit sa ‘three-way tie’ sa ikatlong puwesto kasama ang De La Salle at Far Eastern University, ang UST ay kalahating laro lamang ang pagitan sa Ateneo at University of the Philippines, na magsasagupa para sa solong liderato sa Linggo.

Naging sandigan ng Tigresses sina Sisi Rondina at Eya Laure sa panalo nito laban sa Lady Spikers.

Tangan ang 1-3 kartada, umaasa ang Lady Bulldogs na makakasabay sa España-based side. Nalasap ng NU ang 15-25, 19-25, 22-25 pagkatalo sa Adamson University, ginagabayan ngayon ni Onyok Getigan, noong nakaraang Linggo.

Sisikapin naman ng De La Salle na maputol ang two-game slide kontra  University of the East sa alas-2 ng hapon.

Sa men’s division, target ng NU ang ika-4 na sunod na panalo laban sa UST sa alas-10 ng umaga, matapos ang bakbakan ng UE at De La Salle sa alas-8 ng umaga.

Comments are closed.