CAVITE -NABULABOG ang pagtatago ng 29-anyos na Most Wanted Person ( MWP) sa serye ng robbery sa mga convenience store matapos malambat ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na malawakang manhunt operation nitong nakalipas na Linggo sa Brgy. Yakal, Bulihan sa bayan ng Silang sa lalawigang ito.
Nahaharap sa mga kasong Robbery with violence Against or Intimidation of Person ang akusadong si Victorious “Victor” Baylosis y Blanca, security guard, at naninirahan sa nabanggit na barangay.
Base sa talaan ng mga wanted person, si Baylosis nasa ika-6 na MWP sa Provincial level, Cavite PPO at may warrant of arrest na inisyu si Judge Minnelli Rocio-Carvajal ng Regional Trial Court Branch 18 sa Tagaytay City, Cavite.
Nabatid na ang akusado ay sinasabing sangkot sa serye ng robbery sa mga convenience store at aabot sa 20 Indian national na negosyante sa bayan ng Silang, Cavite ang ninakawan nito.
Napag-alamang may kasong murder si Baylosis sa Office of Provincial Prosecutor sa Imus City, Cavite na nakatakdang mag-preliminary Investigation sa Oktubre 6, 2022.
Napag-alaman na sinalakay ng personnel ng PIU Cavite ang pinagtataguan ni Baylosis subalit nakatakas ito kaya muling ikinasa ng mga operatiba ng RMFB 4A sa pangunguna ni PEMS Paquito Chan Jr., RID4A (RIT-Cavite) at Silang MPS ang operasyon laban sa akusado kung saan ito nalambat. MHAR BASCO