MANANATILING bubble set-up at walang miron sa mga venue sa malawakang pagbabalik ng pagsasanay at kompetisyon ng mga professional athlete at liga na nasa pangangasiwa ng Games and Amusemnets Board (GAB).
Ipinahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang supplemental guidelines sa Joint Administrative Order (JAO) na inirekomenda ng GAB, Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH).
“We’re happy to announce na balik na po ang lahat ng ating mga professional leagues but still under strict ‘safety and health’ protocol under the supervision of GAB Medical team and the DOH,” sabi ni Mitra.
“Ang mga liga po ay pinapayagan na sa mga may mababang quarantine tulad sa National Capital Region (NCR) Plus, pero wala pa pong audience. Hindi pa po puwede. Kaya ‘yung mga fans natin enjoy muna tayo sa livestreaming sa Facebook,” ayon kay Mitra sa isinagawang media conference via Zoom nitong Biyernes.
“Sa venue po, talagang istrikto ang IATF na at least 100 person lang ang puwede,” aniya.
Iginiit ni Mitra na hindi requirement na bakunado na laban sa COVID-19 ang mga atleta at personnel na sasalang sa bubble set-up, ngunit kailangan pa rin ang pagpapatupad ng istriktong panuntunan para sa ‘safety and health’ protocol, tulad ng swab testing bago ang pagpasok sa bubble.
Bukod sa Mindanao leg ng VisMin Philippine Super Cup na nagsimula na nitong Hulyo 7, pinayagan na rin ng IATF batay sa JAO guide-lines ang Philippine Basketball Association (PBA) na magsisimula ang ika-46 season sa Hulyo 16 sa Ynares Complex sa Pasig City, gayundin ang Women’s National Basketball League (WNBL) at National Basketball League (NBL) na kapwa magbubukas sa Hulyo 17.
Magsisimula na rin ang Premier Volleyball League (PVL) sa Hulyo 17 na posibleng maisagawa na rin sa Manila mula sa orihinal na plano sa Ilocos Norte.
“Magmi-meeting kami nina Ricky Palou ng PVL dahil may bagong development. Plano yatang itaas ang quarantine status sa Ilocos, so puwedeng lumipat na rin sila sa Manila dahil mababa na ang quarantine dito,” pahayag ni Mitra sa conference na nilahukan din ng mga kinatawan ng DOH, GAB Division heads at nina Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid.
Ikinalugod din ni Mitra ang posibilidad na mas dumami ang boxing promotions sa Manila dahil mahabang panahon na rin ang ipinaghintay ng mga boxer at mga tagahanga sa sports sa pagbabalik aksiyon ng mga liga.
“As early as last year may mangilan-ngilan na tayong mga promoters sa Cebu ang nagsagawa ng boxing. Sa Luzon nagsimula na rin sila. Ngayong puwede na sa Maynila, baka po mas marami nang promoter ang magsimula nang magpalaro. Kailangan ito ng ating mga local boxer para na rin sa kanilang kabuhayan at kahandaan sa paglaban sa abroad,” ayon pa kay Mitra.
Inihayag din ng GAB ang pagpapatuloy ng iba pang pro sports tulad ng football, chess at esports, habang naghihintay pa ang bayang karerista sa pagpayag ng IATF para buksan ang karagdagang OTB sa Maynila at mga karatig-lalawigan. EDWIN ROLLON
Comments are closed.