APRUBADO na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang lisensiya ng kilalang Fireworks Manufacturer sa bansa.
Ito ang inihayag ni Jovenson Ong ng Dragon Fireworks na kung saan ay muling inaprubahan ng DTI ang kanilang lisensiya sa pagbebenta ng mga ligtas na pyrotechnics.
Sa isinagawang Pandesal forum, nilinaw ni Ong na wala namang ban sa paggamit at pagbebenta ng pyrotechnics sa bansa.
Sa katunayan, ani Ong, nakasaad sa Executive Order bilang 28 na puwede itong gamitin sa labas ng bahay.
Binigyang-diin nito, ang ipinagbabawal ay ang paggamit ng mga ilegal na paputok kagaya ng Piccolo, Bawang, Super Lolo at iba pang katulad nito na siyang sanhi ng mataas na Firecracker Related Injury sa bansa tuwing sumasapit ang pagsalubong sa panibagong taon.
Kaya’t iginiit ni Ong, dapat tangkilikin ang mga pyrotechnics na ligtas at pumasa sa quality control.
Tinukoy rin nito, isa rin sa dahilan ng pagbaba ng bentahan ng pyrotechnics ay ang pag-alis ng mga pamilya sa Filipinas upang magdiwang ng Bagong Taon sa ibang bansa dahil mayroon doong makukulay na fireworks.
Gayundin, nagpaalala rin si Ong na agahan ang pagbili ng mga pyrotechnics dahil sa kakulangan ng supply nito sapagkat kakaunti lamang ang gumawa nito.
Hiling ni Ong na huwag ng tangkilikin ang mga ipinagbabawal na paputok dahil ito ang tunay na dahilan kung bakit marami ang nagbebenta nito sa mga tindahan sa iba’t ibang pamilihan sa bansa. VICKY CERVALES
Comments are closed.