‘NO CONTACT APPREHENSION’ POLICY KAILANGAN PARA SA KAPAKANANG PANGKALIGTASAN SA LANSANGAN

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasada! Kumusta po ang buhay?  Sana ligtas kayo sa lahat ng masamang birong dulot ng COVID-19 pandemic. Stay safe po. Sa isyu pong ito ng Panubay ng Drayber, atin pong tatalakayin ang paksang may kinalaman sa ‘no contact apprehension‘ policy na kailangan para sa kapakanang pangkaligtasan sa lansangan.

Sa kabila ng matinding pagbatikos ng  maraming mananakay at ng mga transport group sa pagpapairal ng ‘no contact apprehension‘ policy, naniniwala si Manila Mayor Isko Moreno  na ito ay lubhang kailangan upang maitaguyod ang road safety at maitanim sa isipan ng mga kinauukulan ang traffic discipline.

Inihayag ni Manila Traffic and Parking Bureau Chief of Operation Wilson Chan sa isang forum na ginanap kamakailan at  dinaluhan din ni Atty. Minrado Batonghinog Jr. ng City Legal Office na ang patakaran ay makatutulong sa traffic management na hindi masangkot sa korupsiyon at maisulong ang  kaligtasan ng mga traffic enforcer at motorista laban sa COVID-19. Inamin ni Chan na ang Notices of Violation (NoVa) na ipinadadala sa mga may-ari ng sasakyan sa pamamagitan ng regular na PhilPost mail ay karaniwang tumatagal halos ng mula tatlo hanggang apat na linggo bago makarating sa mga lumabag sa batas ng trapiko ang  kanilang citation ticket.

Ibinigay na halimbawa ni Chan ang lungsod ng Paranaque at Valenzuela kung saan ang CAP ay ipinatutupad, ang mga motorista  ay maaaring ipaglaban ang kanilang nagawang paglabag sa pamamagitan lamang ng traffic adjudication board sa ilalim ng Traffic Management Bureau na siyang magrerepaso at magba-validate ng lahat ng traffic violation notices. Sakaling mabigo ang registered owner ng sasakyan na maayos ang kanilang violation, ang Manila City government ay magpapadala ng alarma sa Land Transportation Office para sa motor vehicle registration na nangangahulugan na ang owner ay hindi pa mairerehistro ang sasakyan hanggang hindi pa nababayaran ang multang ipinataw.

LCSP PABOR SA ‘NO CONTACT APPREHENSION’

Buong pagkakaisang sinusuportahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang panukalang HB  9368 o ang ‘no contact traffic apprehension’. Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, napapanahon ang panukalang batas na ito na inihain ni Senior Deputy Speaker Doy Leanchon na may pamagat na “An Act Regulating the No Contact Apprehension Policy in the Implementation of Traffic Laws, Ordinances, Rules and Regulations”. Lubhang ikinasiya ni Inton, na isa ring abogado, na malinaw at maayos ang itinatadhana sa HB 9368 sa kung papaano maipatutupad sa pagitan ng driver, operator, at traffic enforcer at ng lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang ‘no contact apprehension’ policy.

Nakasaad sa naturang panukalang HB 9368 ang kahalagahan ng no contact apprehension sa pagdisiplina sa mga pasaway na driver at sa kaayusan ng trapiko. Gayundin, ayon pa kay Inton, binibigyan ng proteksiyon ang mga motorista laban sa maraming pag-aabuso. Ipinaliwanag pa ni Inton na sakaling may higit sa isang traffic authority ang may hurisdiksiyon  sa isang lugar, dapat ay pag-usapan nila ito at magkaroon ng pagkakasundo na isa lamang ang magpapatupad nito para hindi madoble ang no contact. Ayon pa kay Inton, malinaw rin sa pagpapadala ng notice na nakasaad  ang mamahalagang detalye tulad ng:

  1. Date, time and location of the traffic violation
  2. Traffic violation and penalty
  3. Video file/still images of the violation that show the place number or conduction sticker of the vehicle, and
  4. Date, time and place of the hearing of the traffic violations.

Naniniwala ang kampo ni Atty. Inton na ang panukalang batas, kung magkakaroon ng pagpapatibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ay bubura sa  alinlangan ng mga operator at ng drayber tungkol sa kung sino ang dapat patawan ng parusang multa at kauring parusang maaaring ipataw  sa operator o drayber.

PAGBABAWAL SA PANINIGARILYO SA PUBLIC TRANSPORT HINILING SA CONCERNED AGENCIES

Hiniling kamakailan ng isang legal consultant ng Health Justice Philippines sa concerned government agencies na mahigpit na ipagbawal ang paninigarilyo sa mga public transport kabilang ang bus, taxi, train, at mga sasakyang pandagat kung saan karaniwang nagkukumpulan ang mga pasahero. Paliwanag ni Atty. Benidict Nisperos, legal consultant ng Health Justice Philippines, ang paninigarilyo sa public transport ay dapat na ipagbawal sa lahat ng panahon upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mananakay at mapangalagaan ang kapaligiran.

Ayon kay Atty. Nisperos, ang kanyang mga nabanggit ay sakop ng Executive Order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nilagdaang Executive Order (EO) 26 na may pamagat na ‘Providing for the Establishment of Smoke-free Environment in Public and Enclosed Places’.

Binanggit din ni Atty. Nisperos ang pahayag ng World Health Organization, Department of Health at ng mga eksperto at siyentipiko na walang katiyakan ang level of expsure to tobacco smoke, kaya naman ang pangunahing dapat nating isipin ay ang ating kalusugan at paggawa ng paraan na maiwasan ang masamang epekto ng produktong tabako.

Ipinahayag pa ni Atty. Nisperos sa Smoke-Free Transportation Media briefing nitong nakaraang linggo na idinaos sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITXZ) ang pagiging exposed ng humigit kumulang sa 20 milyong mamamayan sa usok ng sigarilyo na malalanghap sa public transportation sa buong bansa.

Aniya, ang ganito kalaking bilang, kung ating susuriin, ay dapat  nating ikabahala kaya naman nararapat gumawa ng kagyat na hakbang ang concerned government agencies upang masawata  ito.

Ang pamahalaan, ayon Atty. Nisperos, ay may umiiral na polisiya  tungkol sa paninigarilyo base sa itinatadhana ng memorandum na ipinalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Malinaw na nakatadhana sa Memoramdum Circular 2009-036 ang pagbabawal ng paninigarilyo sa lahat ng public utility  vehicles at public land transportation terminal na may kaakibat na multa na P2,000 sa unang paglabag; ikalawang paglabag, P3,000 at suspension ng Certificate of Public Convenience (CPC) sa loob ng 60 araw at pagkumpiska sa “for hire” plate at sa ikatlong paglabag ay multang P5,000 at kanselasyon ng CPC.

Upang ibayong maipatupad ang smoke-free public transportation terminals, ang ipinagbabawal na ‘no smoking signages’ ay dapat ikabit sa lahat ng Edsa busway sta-tion bilang pakikipagtulungan sa Department of Transportation.

Magsilbi sana itong babala sa mga mahilig manigarilyo na kung sila ay sasakay sa anumang public transport ay iwasan ang paninigarilyo upang makaiwas sa multang parusa na maaari nilang matamo.

LAGING TATANDAAN:  UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. HAPPY MOTORING!

3 thoughts on “‘NO CONTACT APPREHENSION’ POLICY KAILANGAN PARA SA KAPAKANANG PANGKALIGTASAN SA LANSANGAN”

Leave a Reply

Your email address will not be published.