PAMILYA, importanteng-importante iyan sa marami sa atin. Lahat nga naman ay gagawin natin para sa ating pamilya. Nagsasakripisyo at nagtatrabaho tayo para maibigay sa kanila ang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi rin tayo tumitigil na pasayahin sila.
At isa pa sa kailangang siguraduhin natin ay ang mga pagkaing ating inihahanda sa ating pamilya para mas lalong malubos ang kanilang kaligayahan. Bukod sa masarap, dapat ay healthy ito.
Pero dahil sa napakarami nating pinagkakaabalahan, kung minsan ay nawawalan tayo ng oras na magluto. Okay lang sana kung paminsan-minsan lang nangyayari iyon pero kung madalas na, hindi na maganda. Mahahalata na iyan ng ating pamilya.
Hindi naman puwedeng sa labas na lang kayo laging kumain. Mas masarap at mas makatitiyak kang healthy ang ipinakakain mo sa iyong pamilya kung ikaw na mismo ang nagluluto at naghahanda nito.
Kaya naman sa mga mommy riyan na late na kung magising pero nagnanais pa ring makapaghanda ng masarap na tanghalian para sa kanyang pami-lya, narito ang ilang ideya na puwede ninyong subukan. Bukod sa napakadali lang nitong gawin, siguradong magugustuhan pa ito ng iyong buong pam-ilya.
CRACKER-FRUIT AND EGG LUNCH BOX
Hindi nga naman maiiwasang magmadali tayo para hindi ma-late sa trabaho kaya’t madalas ding hindi tayo nakapaghahanda ng tanghalian sa ating pamilya at maging sa ating sarili. Pero may mga paraan na puwedeng subukan lalo na kung wala na kayong oras na maghanda at kailangang magtungo sa opisina.
At isang paraan ay ang paggawa ng Cracker-Fruit and Egg Lunch Box.
Simple lang ito at maging ang mga tsikiting ay puwedeng pabaunan ng nasabing tanghalian. Swak din ito kay mister.
Ang mga kakailanganin sa paggawa nito ay ang crackers, hard-boiled egg at prutas na paborito ng iyong anak o asawa.
Pagsamahin lang sa isang lalagyan ang mga nabanggit at tiyak na may makakain na kayo sa tanghalian. Puwede rin namang samahan ng cheese para sa crackers. O kaya naman, puwede ring magdala ng peanut butter para naman may mapagsawsawan ng napiling prutas.
TACO SALAD
Marami ang mahilig sa tacos. Kadalasan itong inihahanda o nabibili sa mga restaurant. Ngunit hindi naman kailangang magtungo pa sa restaurant para lang makatikim ng taco salad. Sa bahay lang ay maaari kang gumawa nito.
Ang bersiyon na ibabahagi namin sa inyo ngayon ay walang kahirap-hirap. Ang kailangan lang sa paggawa nito ay ang lettuce, tomatoes at corn. Kung may karne o manok ka ring natira noong nakaraang gabi, puwede mo itong isama. At kung wala naman, puwede rin ang cheese o kahit na anong protein na mayroon sa inyong ref. Dagdagan lang ng lime para magkalasa.
STUFFED AVOCADOS
Kung gusto mo ng light na lunch o nagsasawa ka na sa puro bread at rice, isa naman sa puwede mong subukan ay ang stuffed avocados. Kaysa nga naman sa tinapay mo ipares ang ginawa mong chicken or tuna salad, bakit hindi mo ito isama sa avocado. Kakaiba nga naman ‘di ba? Tiyak na masasarapan ang pamilya mo sa kakaibang inihanda mo sa kanila, healthy na ito, mapapangiti pa sila sa sarap.
TUNA SALAD WITH AVOCADO
Marami talaga ang nahihilig sa salad. Gayundin sa avocado. Healthy at nakabubusog pa ito. Pero ang simpleng salad, maaaring gawing espesyal sa pamamagitan ng paglalagay ng avocado.
Mainam sa katawan ang avocado kaya’t tama lang na kahiligan ito ng marami. Katakamtakam din itong ihalo sa tuna salad.
Sa paggawa nito, ang kakailanganin lang ay canned tuna, red pepper, tomato at avocado. Paghaluin lang ang mga sangkap at mayroon na kayong pagsasaluhan ng iyong pamilya.
STRAWBERRY CREAM CHEESE SANDWICH
Sa mga mahihilig naman sa strawberry at cream cheese, puwedeng-puwede mong pagsamahin ang dalawang ito.
Para nga naman maiba ang palaman mo at mapasarap pa itong lalo, mas maganda kung pagsasamahin mo ang cream cheese at strawberry. Tiyak na sa linamnam na maidudulot nito sa panlasa ng iyong pamilya, babalik-balikan nila ito.
Mag-isip lang ng kakaiba at healthy na mga lutuin at tiyak na gaganahang kumain ang iyong pamilya.
Hahanap-hanapin din nila ang iyong inihahanda lalo pa’t may sangkap iyong pagmamahal. CS SALUD
Comments are closed.