NO-EL’ ITINANGGI NG PALASYO

Spokesman Harry Roque

IGINIIT ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinusulong na panukalang pagkansela sa 2019 midterm elec­tions o ‘no-el’.

Pinabulaanan ng  Palasyo  ang pagsusulong ng no-el para mabigyang daan ang Kongreso na madaliin  ang pagpapalit ng Konstitusyon o Charter-Change.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naniniwala ang Pangulo sa demokrasya  at mas nanaisin nito na maging synchronize ang referendum ng panukalang federal charter sa May 2019 elections.

“Talagang hindi po siya payag sa no-el (election) para lamang sa Charter change. We would like to inform the people, ‘yan po ang posisyon ng Presidente. ‘I will not have any hand in no-el,’” ayon pa kay Sec.Roque.

Tanggap naman ni  Roque ang people’s initiative.

“Siguro ‘yan ang sagot din ng liderato ng Kamara doon sa posisyon ni Presidente na he will not have any hand in it. Kapag people’s initiative na ‘yan ano pa magagawa mo kung nanggaling na ‘yan sa taumbayan,” aniya pa rin.

Tiniyak  na ni  Duterte na hindi niya pakikialaman ang isinisulong na no-el scenario sa Kong­reso.

Naging malinaw ang mensahe ng Pangulo sa mga lider ng Kongreso at Senado na ayaw niyang ipagpaliban ang halalan  para lamang  sa Cha-cha.

Nais sundin ng Pa­ngulo  ang isinasaad sa Saligang Batas katulad ng pagdaraos ng midterm elections sa 2019.

Sinasabing layunin  ng no-el na mapabilis ang proseso sa pagpapapalit ng Saligang Batas.

Nauna rito ay ipinanukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kanselahin ang 2019 elections para matutukan ang pag-amyenda ng Konstitusyon tungo sa pormang federal. PILIPINO Mirror Reportorial Team

SENADO WALANG IDEYA SA NO-EL

MARIING sinabi ni Senate President Vicente Sotto na walang alam o ideya man lang ang Senado  sa agenda na “no election proposal”.

Giit ni Sotto, hindi pinapayagan ng Saligang Batas ang pagkansela sa nakatakdang eleksiyon kaya mananatili ang Senado  rito.

“The elections cannot be cancelled. It can be moved by Articles 6 Section 8 of the 1987 Constitution as may be provided by law… that line allows postponement… perhaps advancing,  moving the date of election but it does not provide that terms be extended,” giit ni Sotto.

Dagdag pa nito, pagdaraos ng mas maagang eleksiyon ang pinapayagan, kung may sapat na basehan at hanggang postponement lang ang kaya ng Senado.

Aminado rin ang senador na may ilang mambabatas na pabor din sa panukala ni Rep. Alvarez, pero iilan lang umano ang mga ito  at marami pa rin ang  hindi pabor sa  pagpapaliban sa nakatakdang eleksiyon. VICKY CERVALES