HINDI kinagat ng Malakanyang ang hirit na ipagpaliban ang 2022 national at local elections.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, isang serbisyo publiko ang pagsasagawa ng eleksyon na itinatakda sa Saligang batas na hindi maaaring mabalam o maunsyami.
Aniya, bagaman may kinahaharap na pagsubok sa pagdaraos ng halalan dahil sa COVID-19 pandemic, hindi pa rin maaaring baguhin kung ano ang nakasaad sa Konstitusyon.
Dagdag pa ni Roque, may sapat na panahon para paghandaan ang halalan sa 2022 na dalawang taon pa mula ngayon.
CONTINGENCY PLAN NG COMELEC HININGI
Sa panig ng Senado, sinabi naman Senate Finance Committee chairman Sonny Angara, tuloy ang 2022 elections taliwas sa ninanais ng Kamara na ipagpaliban ito.
Iginiit ni Angara, mahalagang mailahad ng Commission on Elections (COMELEC) ang preparasyon nito para sa halalan.
Sa pagpapatuloy ng budget hearing ng Senado, hihingin ni Angara ang contingency plan ng COMELEC sa pagsasagawa ng botohan habang pinoproteksyunan ang kaligtasan at kalusugan ng mga botante.
Nais ni Angara na idetalye ng COMELEC kung papahabain ba nito ang oras ng botohan at kung magkakaroon ba ng dagdag na mga polling precinct para maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao.
Gayunpaman, inaasahan na ni Angara na mangangailangan ng dagdag na pondo ang COMELEC na kailangang malaman para sa pagtalakay sa panukalang pondo nito sa susunod na taon.
Comments are closed.