NANINDIGAN ang pamunuan ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi na nito palalawigin pa ang kasalukuyang voter registration pagkatapos ng deadline nito sa Enero 31.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na malabong magpatupad ng extension dahil hindi ito natalakay sa deliberasyon ng poll body en banc.
Iginiit ni Garcia sa mga kwalipikadong botante na huwag maniniwala sa mga sabi-sabi na palalawigin ang voter registration.
Dapat na aniyang magparehistro at huwag nang hintayin kung palalawigin o hindi upang masuportahan o hindi ang kasalukuyang opisyal na nanunungkulan sa kanilang komunidad.
Ang pahayag ni Garcia ay matapos muling ipagpatuloy ang voter registration matapos ang holiday break.
Target ng Comelec ang nasa 1.5 hanggang 2 milyong bagong botante sa pagtatapos ng registration period.
Nauna nang naglunsad ang poll body ng programa upang hikayatin ang mas maraming aplikante na magparehistro tulad ng satellite registration, register Anywhere Propject (RAP) sa mga mall sa Metro Manila at ilang lugar sa Bicol, Visayas at ang quad-media presence (social media, telebisyon, radyo at print. ).
Bukod sa SM at Robinsons malls, nakatakda ring magsimula ang Komisyon sa Senado ng Pilipinas at Government Service Insurance System (GSIS).
Sinisikap din nitong makakuha ng hindi bababa sa dalawang unibersidad sa nasabing programa.
PAUL ROLDAN