“NO FACE MASK, NO ENTRY” MULING IPATUTUPAD

PAMPANGA – IPINAHAYAG ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Angeles na muli nilang ipapatupad ang ‘no face mask, no entry’ sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.

Sa ipinalabas na memorandum nitong Mayo 29, mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Angeles City, Pampanga ang pagsusuot ng face mask dahil sa banta ng COVID-19.

Nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na mayroong 12,426 bagong pasyente mula Mayo 15 hanggang 21.

Hinikayat din ng local government unit na magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar lalo sa mga pampasaherong sasakyan at obserbahan ang isang metrong social distancing sa mga pampublikong lugar, trabaho, at mga pagtitipon.

Pinangangambahan naman ng lokal na pamahalaan ang banta mula sa mga bagong variant ng COVID-19 na kilala bilang “FLiRT.”

Ayon naman sa World Health Organization, nakatutok sila sa pag-monitor sa apat na sublineage ng JN.1– JN.1.7, JN.1.18, KP.2, at KP.3.

Sinabi naman ng Department of Health na wala pa sa ngayong basehan sa bansa na may variant ng KP.2 at KP.3 na mas malala sa COVID-19.

Matatandaan na noong Oktubre 2022, naglabas na kautusan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang paggamit ng facemask sa loob at labas ay hindi na mandatory. EVELYN GARCIA