NO-FLY, NO-SAIL ZONE KASADO SA TRASLACION – MPD

NAKATAKDA nang magpatupad ng polisiyang ‘No-fly’ at ‘No-sail zone’ ang Manila Police District (MPD) sa kahabaan ng ruta na daraanan ng Traslacion 2025 sa Enero 9 sa gitna ng pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Itim na Hesus Nazareno.

Ayon kay MPD chief BGen. Arnold Thomas Ibay, ang pagbabawal ng pagpapalipad ng mga drones ay ipatutupad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mga dadalong deboto sa prusisyon.

Habang ang no sail policy naman ay magiging epektibo sa mismong area ng Traslacion mula Enero 6 hanggang 10.

Mahigit 14,000 police personnel at force multipliers naman ang idedeploy upang masiguro na magiging mapayapa at ligtas ang pagsasagawa ng prusisyon, ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) noong Linggo na ang kumprehensibong security plan ay ipatutupad sa koordinasyon ng iba pang ahensya, local governements, at religious groups para sa Traslacion.

Upang mapamahalaan naman ang buhos ng mga deboto, ang PNP specialized units ang in-charge habang ang Intelligence Group and Anti-Cybercrime Group (ACG) nito ay mahigpit na magbabantay sa anumang potensyal na pisikal at digital threats.

Pangangasiwaan naman ng PNP Highway Patrol Group (HPG) at local traffic enforcers  ang daloy ng trapiko at pagpapatupad ng rerouting schemes upang mabawasan ang mga pagkagambala para sa parehong mga deboto at publiko.

PAUL ROLDAN