NO JAYSON TATUM? NO PROBLEM SA CELTICS

BINALEWALA ng Boston Celtics ang pagliban ni injured Jayson Tatum at ang maagang paglisan nina Marcus Smart at Robert Williams upang dispatsahin ang Toronto Raptors, 106-104, nitong Sabado at hilahin ang kanilang winning streak sa siyam na laro.

Umiskor si Jaylen Brown ng 27 points at nagdagdag si Grant Williams ng career-high 25 para Celtics, na umangat sa kanilang league-best record 35-12.

Galing sa overtime win kontra Golden State Warriors noong Huwebes, ang Celtics ay naghabol sa 85-81 papasok sa fourth quarter.

Subalit binuksan nila ang final frame sa pamamagitan ng 9-0 run sa likod ng three-pointers nina Brown, Payton Pritchard at Grant Williams at nanatili sa trangko hanggang itabla ng Toronto ang talaan sa 103-103 sa three-pointer ni Gary Trent Jr.., may 2:23 sa orasan.

Isinalpak ni Pritchard, naitala ang lahat ng kanyang 12 points sa fourth quarter, ang isa pang three-pointer na naging tuntungan ng panalo.

Nagdagdag si Malcolm Brogdon ng 23 points mula sa bench para sa Boston, na ang top scorer na si Tatum ay hindi nakapaglaro dahil sa sore left wrist.

Nagbuhos si Tatum, may average na 31.2 points per game, na third-most sa liga, ng 51 points sa panalo kontra Charlotte noong Lunes at nagposte ng 34 points at 19 rebounds kontra Golden State, naglaro ng 48 minuto sa overtime triumph.

Sinabi ni Grant Williams na hindi dahilan ang pagkawala ni Tatum para isuko ng Celtics ang mindset ng isang elite team na naghahangad na makabalik sa NBA Finals sa ikalawang sunod na taon makaraang yumuko sa Golden State sa title series.

Hornets 122, Hawks 118

Umiskor si Terry Rozier ng 34 points at isinalpak ang tatlong go-ahead free throws, may 1.1 segundo ang nalalabi upang tulungan ang bisitang Charlotte Hornets na malusutan ang 19-point, second-half deficit at gapiin ang Atlanta Hawks, 122-118.

Sa pagkatalo ay naputol ang five-game winning streak ng Hawks.

Dalawang clutch free throws at isang tip in ni Atlanta’s Clint Capela sa go-ahead basket, may 5.4 segundo ang nalalabi, ang nagbigay sa Hawks ng 118-117 kalamangan. Si Rozier ay na-foul sa 3-point shot ni Jalen Johnson at ipinasok ang lahat ng foul shots.

Gumawa si Rozier ng 28 points sa second half at 7-for-13 sa 3-point attempts overall upang tulungan ang Charlotte, na naglaro na wala si leading scorer LaMelo Ball dahil sa sprained ankle.

Kumubra si Mason Plumlee ng 25 points at 11 rebounds habang nag-ambag si P.J. Washington ng 23, kabilang ang pares ng clutch 3-pointers sa huling tatlong minuto.