NO JOKE POLICY PALALAKASIN NG PNP-AVSECOM

PAIINGTINGIN ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSECOM), katuwang ang mga local airlines, ang malawakang information dissemination campaign kontra “no joke”policy.

Ito ay upang paalalahanan ang publiko na huwag gumawa ng mga biro na magdudulot ng alarma sa airport at sa loob ng sasakyang panghimpapawid tulad ng bomb threats o bomb jokes.

Ipinaliwanag ni AVSEGROUP Director General Jack Wanky sa pakikipag pulong sa Civil Aeronautics Board (CAB) kasama ang mga airlines na may domino effect ang bomb jokes sa pagkaantala ng maraming flights.

Isiniwalat naman ni PNP-Aviation Security Group Investigation Colonel Gary Reyes na base sa rekord noong 2023, nakapagtala ang PNP-AVSEGROUP ng walong report na bomb jokes.

Ngayong January 2024 ay nakatanggap ang PNP ng tatlong bomb joke incidents sa iba’t ibang paliparan sa mga lalawigan.

Paalala ni Reyes, may katumbas na kaso ang sinumang indibidwal na magbibiro sa mga Paliparan at ito ay nakasaad sa ilalim ng Presidential Decree 1727 o kilala bilang Anti-Bomb Joke Law. PMRT