GOOD day mga kapasada.
Tapos na ang Semana Santa. At ipinagdiwang na rin ng sambayanang mananampalataya ang Pasko ng Pagkabuhay mula sa pagkabayubay ng Poong Jesus sa krus bilang pagtubos sa pagkakasala ng sangkatauhan.
Ngunit hindi rito natatapos ang pagsasakripisyo ng mga nakatalaga sa industriya ng transportasyon partikular ang mga drayber na ang tanging ikinabubuhay ay ang paggulong sa lansangan para kumayod at kumita ng kakarampot para magamit sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mag-anak.
Ang dahilan: inihayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA), na kanilang patitindihan ang “no loading, unloading policy sa kahabaan ng Edsa para sa provincial buses simula kahapon (Abril 22, 2019).
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, simula ngayong linggo pagkatapos ng Semana Santa, they will strictly implement, reinforce… na hindi na nila papahintulutang magbaba ang mga bus sa kahabaan ng EDSA sa layuning maibsan ang pagbubuhol ng trapik.
Ang mga provincial buses ay dapat na magsakay at magbaba sa designated terminals.
Bukod sa mga pasahero sa mga bus mula sa lalawigan partikular sa mga nanggagaling sa Katimugang Tagalog gayundin ang mga operator, drayber at mga konduktor na ang pahayag na ito ng MMDA ay isang anti-poor na ang adhikain ay mabigyang kasiyahan ang iilang mananakayan laban sa maraming taong maaapektuhan ng kautusan.
Binigyang diin ni MMDA Gen. Manager Jojo Garcia sa idinaos na pulong pambalitaan nitong nakaraang Abril 16, 2019 na patitindihin ng MMDA ang No loading, unloading policy sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa mga apektadong mamamayan, akala nila tapos na ang kanilang kalbaryo pagkaraan ng selebrasyon ng Semana Santa, iyon pala ay ibayong kalbaryo at penetensiya ang kanilang daranasin.
Idinagdag ni Garcia na ito ay ginagawa ng MMDA upang makatulong na maibsan ang problema sa trapik sa EDSA na karaniwang nagsasakay at nagbababa ng pasahero kahit saan na nagiging dahilan ng matinding traffic.
Nagbabala si MMDA Gen. Manager Garcia na ang sino mang provincial bus driver na lalabag sa patakarang ito ay pagmumultahin ng Php500.
PAGDIDISIPLINA SA MGA CITY BUS DRAYBER SA EDSA HINIGPITAN
Pinatindi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagdisiplina sa mga pasaway na city buses at maging mga pasahero na sanhi ng pagbubuhol ng trapik sa EDSA.
Ito ay bilang pagbibigay linaw ng MMDA sa daing ng provincial bus operators na sila lamang umano ang hinihigpitan ng MMDA sa nakaambang provincial bus terminal closure sa EDSA.
Magugunita na inalmahan ng mga operator ng iba’t ibang bus company sa Katimugang Tagalog ang napaulat na napipintong pag-aalis ng provincial bus terminal sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Traffic chief Bong Nebrija, nagpakalat na ang MMDA ng mga traffic enforcer sa kahabaan ng EDSA para itaboy ang mga sasakyang nagbabalak na pumasok sa yellow lanes na dapat ay para sa mga bus lamang.
Sinabi ni Nebrija na nagtalaga na sila ng mga tauhan sa metro base sa non-contact apprehension, gayundin ang mga tauhan sa footbridges na siyang kumukuha ng mga larawan (sa mga pasaway na drayber) na lumalabag sa batas trapiko.
Unti-unti na aniyang nagkakaroon ng aral ang mga pasahero at naglalakad na ang mga ito patungo sa tamang loading and unloading bays bagay na ikinatuwa ng maraming motoristang masunurin sa batas ng trapiko dahil sa napuna nilang pagbabago.
Ayon sa isang observer, parang hindi pantay-pantay ‘yung mga bus (noon), minsan bigla na lamang mag-overtake kaya nagkakabuhol-buhol ang trapik na kung minsan ay nauuwi sa bulyawan na lalong nagpapatindi pa ng problema.
KKB SYSTEM DAHILAN NG BUHOL NG TRAFFIC SA EDSA
Nitong nakaraang taon, mariing inihayag ni Samar Congressman Edgar Mary Sarmiento, committee chairman na ang mga bus company na may ruta sa EDSA ay dapat mag-organisa ng isang consortium o kooperatiba upang siyang mangasiwa sa isang maayos at well-synchronized dispatch system upang wakasan ang tinatawag na ‘KKB” system na siyang pangunahing ugat ng traffic congestion sa Metropolis.
Sinabi ni Sarmiento na ang KKB ay kumakatawan sa “kanya-kanya, Bara-bara” na naglalarawan sa pagiging rowdy, undisciplined at disorderly behavior ng bus at jeep drivers sa Metro Manila.
Binigyang diin nito na ang mga walang disiplinang bus drivers at ang unregulated load and unloading of passengers ay siyang pangunahing dahilan o biggest contributor ng traffic congestion sa EDSA.
Ito aniya ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng pinalawak na bus segregation scheme at nang end to end synchronized bus dispatch system.
“It’s KKB that is causing Metro Manila’s traffic mess. Kanya-kanya at bara-bara ang kanilang pagsasakay at pagbababa ng mga pasahero. Madalas sabay-sabay silang nakabalagbag sa EDSA kaya’t nagkakabuhol-buhol ang daloy ng mga sasakyan. Kung maayos lamang natin ang mga bus sa EDSA, nakatitiyak na magkakaroon ng mabuting daloy ng trapiko sa pook,” paliwanag nito.
LAGING TATANDAAN: UMIWAS sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.