NO LOADING, UNLOADING POLICY SINUSPINDE NG LTFRB

SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang ipinatutupad na “No Loading, Unloading” policy sa mga pampasaherong UV Express service sa Makati ng hanggang Nobyembre ng kasalukuyang taon.

Sa pansamantalang pagpapatigil ng direktiba ng LTFRB ay papayagan na ang mga UV Express na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa mga itinalagang loading at unloading area sa Makati Central Business District o CBD sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, ang pagsuspinde ng patakaran ng LTFRB ay bunsod ng isang pagpupulong na siyang napagkasunduan sa pagitan ng mga opisyal ng lungsod na nagmula sa Law Department at Public Safety Department (PSD) at sa kinatawan ng LTFRB, Makati Parking Authority (MAPA), Makati Central Estate Association (MACEA), at Ayala Property Management Corporation (APMC).

Sa nabanggit na pagpupulong ang pansamantalang pagsususpinde ng nasabing direktiba upang bigyang-daan ang masu­sing pag-aaral sa pagpapatupad nito.

Sinabi ni Binay na una na siyang nagpatawag ng pulong sa mga opisyal ng LTFRB matapos makatanggap ang lungsod ng mga reklamo mula sa mga commuter na apektado ng LTFRB Memorandum Circular No. 2019-025 na ipinatupad noong Mayo 16, 2019 kung saan pinagbawalan nito ang mga UV Express na magsakay at magbaba sa pagitan ng kanilang pinanggalingang terminal at destinasyon batay sa itinakdang point-to-point na operasyon.

Kasabay nito, pumayag din ang mga opis­yal ng MACEA at APMC na makipagtulungan sa LTFRB at pamahalaang lungsod sa pagtukoy ng mga opisyal na terminal ng pampublikong transportasyon sa Ayala Center para maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa distrito.

Tinitiyak naman ng lokal na pamahalaan ang pagsasaalang-alang sa kaginhawahan ng mga manggagawang bumibiyahe papunta at palabas ng lungsod.

Pinaalalahanan naman din ni Binay ang mga driver ng UV Express na ipagbigay-alam sa kanilang mga pasahero ang ibinigay na palugit ng LTFRB gayundin ang kanilang pagsunod sa mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko partikular sa tamang babaan at sakayan ng mga pasahero upang hindi makasagabal sa daloy ng trapiko sa CBD. MARIVIC FERNANDEZ