PHILADELPHIA – Kumana si Kristaps Porzingis ng 22 points at career-high 18 rebounds, nagdagdag si Tim Hardaway, Jr. ng 27 points at ipinalasap ng Dallas Mavericks sa Philadelphia 76ers ang kanilang ikalawang sunod na home loss, 117-98, noong Biyernes ng gabi.
Umangat ang Mavericks sa 11-2 sa road sa kabila na naglaro na wala si second-year star guard Luka Doncic. Ang 20-year-old ay hindi nakapaglaro sa ikatlong sunod na pagkakataon dahil sa right ankle sprain. Si Doncic, isa sa league leaders sa minutes, points, rebounds at assists, ay may average na 29.3 points, 9.3 rebounds at 8.9 assists.
Tumipa si Joel Embiid ng 33 points at 17 rebounds para sa Philadelphia, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan sa kabuuan. Nalasap ng 76ers ang kanilang unang home loss noong Miyerkoles, 108-104, sa Miami.
HEAT 129,
KNICKS 114
Umiskor si Bam Adebayo ng 20 points upang pangunahan ang Miami sa magaan na pagdispatsa sa New York.
Gumawa si Duncan Robinson ng 18 points para sa Miami sa 6-for-10 shooting mula sa 3-point range. Nagtala si Goran Dragic ng 18 sa kanyang pagbabalik makaraang lumiban sa siyam na laro dahil sa groin strain.
Tumapos si Kendrick Nunn na may 15 points, nagdagdag si Derrick Jones Jr. ng 14, nagposte si Tyler Herro ng 12 at nag-ambag si Kelly Olynyk ng 10 para sa Heat. Umabante ang Miami ng hanggang 34 at naiposte ang kanilang ika-6 na wire-to-wire win sa season.
Nanguna si Bobby Portis para sa Knicks na may 30 points sa 12-for-17 shooting. Umiskor si Mitchell Robinson ng 18 points, at nagdagdag sina Marcus Morris ng 15, Julius Randle ng 13 at Kevin Knox ng 11.
NUGGETS 109, TIMBERWOLVES 100
Kumamada si Nikola Jokic ng 22 points, 10 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-5 triple-double sa season, at nakumpleto ng Denver ang sweep sa five-game homestand sa panalo laban sa Minnesota.
Ito ang ika-8 sunod na double-double ni Jokic at ikalawang triple-double. Mayroon siyang 33 career triple-doubles.
Umiskor si Jamal Murray ng 28 points, kabilang ang siyam sa final minutes ng third quarter upang pigilan ang rally ng Timberwolves.
WARRIORS 106, PELICANS 102
Naisalpak ni D’Angelo Russell ang tiebreaking 22-foot jumper, may 32.9 segundo ang nalalabi, at nagwagi ang struggling Warriors makaraang mabitawan ang 20-point lead.
Tumapos si Russell na may 25 points at 7 assists at pinutol ng Warriors (6-24) ang five-game losing streak sa kanilang ikalawang panalo laban sa Pelicans (7-23) ngayong season.
Tumipa si Damion Lee ng 20 points at 6 rebounds para sa Golden State, habang nagdagdag si Draymond Green ng 10 points at 8 assists.
Gumawa sina Jrue Holiday at Brandon Ingram ng tig-25 points para sa New Orleans at nagdagdag si Lonzo Ball ng 14 points.
Sa iba pang laro, pinalamig ng Thunder ang Suns, 126-108; pinadapa ng Raptors ang Wizards, 122-118; ginapi ng Celtics ang Pistons, 114-93; pinulbos ng Cavaliers ang Grizzlies, 114-107; pinayuko ng Pacers ang Kings, 119-105; at pinaso ng Trail Blazers ang Magic, 118-103.
Comments are closed.