MAHIGPIT na ipatutupad ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagsusuot ng Facemask sa lahat ng mga indibidwal na bibisita sa puntod ng kanilang mga yumao sa mga sementeryo sa darating na Undas 2022.
Ito ang tiniyak ni Manila Mayor Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna–Pangan, kung saan oobligahin aniya nila ang bawat tao na papasok sa Manila North at South cemeteries na mag suot ng facemask kung nais bumisita sa kanilang mga yumao upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sa ginawang inspeksyon ni Lacuna sa Manila north cemetery, sinabi nito na hindi nila papasukin ang sinumang indibidwal na walang facemask.
Paliwanag ng alkalde na kahit pa may utos na maaari nang hindi mag suot ng facemask sa mga open spaces, nakasaad din rito na sa mga pagkakataon na maraming tao o may siksikan ay kailangan pa rin ang pagsusuot ng facemask.
Kaya naman giit ni Lacuna na dahil sa inaasahan nilang dadagsa ang tao sa sementeryo ay mahigpit na ipatutupad ang wearing of facemask mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2.
Sinabi din ng alkalde na mamimigay sila ng facemask sa entrance ng Manila North at South cemeteries.
PAUL ROLDAN