‘NO PARKING’ SA METRO

NO PARKING-1

DAPAT ipagbawal ang pagparada ng mga sasakyan sa mga kalsada sa Metro Manila.

Ito ang naging suhestiyon ni Senate President Vicente Sotto III sa pagdinig ng Senado para masolusyonan ang hindi ma­tuldukang problema sa trapiko sa EDSA.

Aniya, sa ganitong paraan ay hindi na makadaragdag pa sa volume sa EDSA ang mga nakaparadang pribadong sasakyan dahil maaari namang gumamit ang mga ito ng alternatibong ruta patungo sa kanilang mga destinasyon.

Ayon kay Sotto, dapat kumilos ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagkakasa ng road clearing operations habang nililinis ang EDSA mula sa mga pribadong sasakyan.

“I go back to my original proposal, noong araw pa ito, walang nakikinig. May nakinig kaunti lang. Ang talagang solusyon to decongest EDSA ay ‘no parking’ in Metro Manila,” giit ni Sotto.

Samantala, bumubuo na ng one-year roadmap ang House Committee on Transportation para solusyunan ang lumalalang problema sa trapiko sa EDSA.

Ayon kay Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento, nagsasagawa na sila ng konsultasyon sa mga stakeholder para bumalangkas ng solidong roadmap.

Sinimulan na ang informal discussions sa ilang government officials at private sector para talakayin ang mga posibleng solusyon sa mabigat na trapiko.

Iginiit ng mambabatas na napapanahon na para maipatupad ang volume reduction sa mga pribadong sasakyan sa tulong ng tatlong sangay ng pamahalaan.

Hiniling din ang pagkakaroon ng consolidated franchises sa Metro Manila bus companies para sa single dispatch system dahil masyadong marami ang bumibiyaheng units tuwing peak hours pero mas mababa pa sa 50 percent ang naisasakay na pasahero.

Paliwanag ni Sarmiento, nais ni House Speaker Alan Peter Cayetano na matapos ang problema sa loob ng isang taon lalo’t sa taya ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay P3.5 billion ang nawawala sa kita ng bansa araw-araw. CONDE BATAC, DWIZ 882

Comments are closed.