‘NO PLATE, NO TRAVEL’ IPATUTUPAD NG PNP

IPATUTUPAD ng Philippine National Police (PNP) ang “No Plate, No Travel” policy sa buong bansa.

Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. sa pinakahuling command conference nito.

Ayon kay Acorda, mahigpit na babantayan ang mga motoristang gumagamit ng sasakyan na walang plaka sa pamamagitan ng highway patrol group.

Aniya sa pamamagitan nito matututukan din ang mga motorsiklo na walang plaka na nagagamit sa krimen.

Nilinaw ni Acorda na hindi exempted sa nasabing patakaran ang mga pulis dahil kailangang matutong sumunod ang lahat sa batas.

Giit pa ng heneral na dapat maging role model ang PNP sa publiko at mapanatili ang respeto.

Magkakaroon din ng koordinasyon ang PNP sa Land Transportation Office upang tuluy-tuloy ang implementasyon ng “no-plate, no-travel” policy.
EUNICE CELARIO