NO PRESSURE SA ALBAYALDE RESIGNATION

ALBAYALDE

CAMP CRAME – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na ang  pagbibitiw  sa tungkulin ni Police General Oscar Alba­yalde ay dahil sa pressure ng mga retired general mula sa Philippine Military Academy (PMA).

Ito ay matapos na  ibunyag ni Senador Richard Gordon na mayroong mga kumakalat na message mula sa retired general ng PMA na binansagang “Save PNP” na nananawagan sa pagbaba sa puwesto ni Albayalde.

Subalit ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac wala siyang ideya sa sinasabing kumakalat na text at online messages laban kay Albayalde.

Giit ni Banac,  dapat ay mabig­yan din ng pagkakataon si Albayalde na malinis ang kaniyang pangalan at huwag muna itong husgahan kaagad habang wala pang kongkretong ebidensya na nailalantad laban sa kaniya.

Noong Lunes, bumaba sa kanyang puwesto bilang PNP chief si Albayalde at pinili ang non-duty status dahil sa personal na kadahilanan at pag-aalala sa kanyang nadadamay na pamilya kaugnay sa isyu ng “ninja cops”.

Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre 8 sa pagsapit ng kanyang retirement age na 56. REA SARMIENTO

Comments are closed.