MARAMI sa atin ang hindi nabubuhay o nabubusog ng walang kanin. Kailangang may kasamang kanin ang kinakain. Mahirap nga rin naman kasi kung puro ulam lang ang kahihiligan natin. Pero may ilan na sobrang hilig kumain ng white rice. Masama rin ang sobrang rice.
Pero dahil sa kahiligan ng marami sa white rice, nagiging dahilan ito kung bakit tumataba ang marami sa atin.
“Diet” isang simpleng salita pero mahirap gawin. Ang pagda-diet ay hindi lamang basta-basta ginagawa, ito ay dapat pinaplano at kailangan pursigido kang gawin ito. Kapag ikaw ay gusto magbawas ng timbang, kailangan ay kumakain ka ng mga masustansiyang pagkain at tamang pag-eehersisyo.
Ang kanin ay isa sa mga binabawasan kainin kapag ikaw ay nagda-diet. Pero ‘wag kang mag-alala dahil may ibang alternatibo sa kanin.
QUINOA
Ang Quinoa ay hindi kanin, ito ay buto. Ito ay gluten-free at mas mataas ang fiber nito kaysa sa kanin.
Ang ating katawan ay nangangailangan ng amino acids at ang quinoa ay kompleto sa protina at mayaman sa amino acids.
Kapag ikaw ay vegetarian, ang quinoa ang magandang alternatibo para sa kanin.
Ang quinoa rin ang isa sa popular na masustansiyang pagkain sa mundo. Mataas din ang taglay nitong magnesium, B vitamins, iron, potassium, calcium, phosphorus, vitamin E at various beneficial antioxidants.
CABBAGE
Ang cabbage rin ay isa pa sa magandang pamalit sa kanin. Ito ay mababa sa calories at carbohydrates.
Para mas mapadali ang pagluto nito, tadtarin ang cabbage at igisa sa olive oil.
CAULIFLOWER RICE
Ito ay mayaman sa Vitamin K na nakatutulong upang maiwasan ang blood clot at hemorrhage. Good source rin ng antioxidants ang cauliflower. Pinoprotektahan nito ang cells mula sa harmful free radicals at inflammation.
Swak din ito sa mga nagpapapayat o nagnanais na mabawasan ang timbang.
BROWN RICE
Marami na sa panahon ngayon ang klase ng rice o kanin na maaaring pagpilian. Bukod nga sa white rice, mayroon na ring black rice at brown rice. Ang white rice ay mataas sa sugar. Ang brown rice ay mababa sa sugar na mas epektibo kapag ikaw ay nagda-diet. Ito ay mayaman sa fiber na nakatutulong para ikaw ay mabilis na mabusog.
SWEET POTATO RICE
Isa pa sa maaaring pamalit o alternatibo sa kanin ang sweet potato rice. Ito ay mayaman sa Vitamin C at dietary fiber.
Simple lang naman ang paggawa ng sweet potato rice. Ang mga kakailanganin lang ay ang sweet potato, olive oil o butter, asin at paminta.
Sa pagluluto nito, unang kailangang gawin ay balatan ang patatas. Pagkatapos ay i-shred ito.
Magsalang ng kawali at lagyan ng olive oil o butter, isama na rin ang sweet potato, asin at paminta. Lutuin sa loob ng 20-25 minutes. Halo-haluin hanggang sa maging golden brown ang kulay ng potato at mag-caramelize ang dulo.
Tikman ang sweet potato rice. Kung okay na sa panlasa, puwedeng-puwede na itong ihanda at pagsaluhan ng buong pamilya.
Hindi lang white rice ang puwede nating kahiligan. Maraming pamalit dito gaya na nga lang ng mga nakalista sa itaas. (photos mula sa medicalnewstoday, fifteenspatulas.com, foodnetwork.com). KAT MONDRES