TAGUIG CITY – NANINIWALA si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PBGen. Debold Sinas na hindi isang serious offense ang umano’y pagpupuslit ng mga kontrabando ng 16 na pulis na nakatalaga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sa press conference ni Sinas ay sinabi nito na ang 16 na pulis ay nasa labas ng NCR Quad Intel Force sa Bilibid ng kumpiskahin ang kanilang mga dalang cellphone, sigarilyo at alak.
“I would like to correct that the 16 were not actually caught bringing inside the NBP. According to our inquiry, nakuha po ‘yung cellphone, ‘yung dalawang sticks ng sigarilyo at saka ‘yung isang alak doon po sa labas,” ayon kay Sinas.
Pahayag pa ni Sinas na ang mga nasabing bagay ay kinumpiska sa mga nasabing pulis ay noong nagsasagawa ng regular formation.
“I don’t think there’s a grave offense sa kanila kasi nga they never violated any policy. Nasa formation po sila. Siguro ang titingnan ko ‘yung nagdala ng alak, bakit siya nagdala ng alak sa formation,” pahayag ni Sinas.
Dagdag pa nito, na ang 16 ng pulis ay tinanggal na sa NBP habang sila ay nagsasagawa ng imbestigasyon laban sa mga ito at pinag-aaralan pa rin ang kasong dapat isampa sa mga ito.
“I ordered the relief of the 16 police officers allegedly bringing illegal items inside the New Bilibid Prison to pave a thorough investigation,” ayon kay Sinas.
Ang 14 sa mga naturang pulis ay nag-report na para sa imbestigasyon laban sa kanila at kasalukuyan ngayong nasa regional headquarters.
Samantala, dalawa pang pulis na sangkot sa kontrobersiya ang hindi pa nagre-report.
Hindi naman pinangalanan ni Sinas ang 16 na pulis. Ang mga cellphone na kinumpiska mula sa 16 na pulis ay kanya ng ipinadala sa Anti-Cybercrime Group para sa forensic examination. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.