BINALEWALA ng NBA champion Boston Celtics ang pagliban ni All-Star Jayson Tatum, nagpaulan ng 20 three-pointers sa lopsided 123-99 victory kontra Detroit Pistons nitong Huwebes.
Sa pagkaka-sideline ni Tatum dahil sa pananakit ng kanang tuhod, nag-step up si reserve Payton Pritchard upang pangunahan ang Celtics na may 27 points at 10 assists at naitala ang ika-12 sunod na panalo laban sa Pistons.
Nagsalpak si Pritchard ng pitong three-pointers at umabot sa 500 para sa kanyang career — ang ika-10 Celtic na nakaabot sa marka.
“Payton’s been awesome,” pahayag ni NBA Finals Most Valuable Player Jaylen Brown hinggil sa kontribusyon ni Pritchard mula sa bench.
“We’ve all seen it coming,” ani Brown. “We’ve got a lot of talent on this team and he’s capable of doing that each and every night.
Kumana rin si Derrick White ng pito mula sa arc tungo sa 23 points.
Umiskor si Kristaps Porzingis ng 19 at nag-ambag si Brown ng 14 habang anim na Celtics players ang nagtala ng double figures.
Si reserve Luke Kornet ay perfect five-for-five mula sa field tungo sa 12 points upang tulungan ang Celtics na makabawi mula sa pagkatalo sa Memphis Grizzlies noong Sabado.
Umangat ang Celtics sa 20-5, isang laro sa likod ng 21-4 Cleveland Cavaliers sa ibabaw ng Eastern Conference.
Sa Miami, nagbuhos si Tyler Herro ng 23 points at nagdagdag si Bam Adebayo ng 21 points at 16 rebounds upang pangunahan ang Heat sa 114-104 panalo kontra Toronto Raptors.
Nagposte si RJ Barrett ng triple-double na 13 points, 11 rebounds at 10 assists para sa Toronto at gumawa si Gradey Dick ng 22 points.
Kumabig si Miami’s Jimmy Butler, ang sentro ng trade speculation sa media ngayong linggo, ng 11 points na may 5 rebounds at 4 assists.
Samantala, ginapi ng Sacramento Kings, sa pangunguna ni Domantas Sabonis na may 32 points and 21 rebounds, ang Pelicans, 111-109.
Nagdagdag si DeMar DeRozan ng 29 points para sa Sacramento.