WALANG plano ang Department of Finance (DOF) na buwisan ang mga pagkaing maaalat.
Ito ang inihayag ni Finance Undersecretary Karl Chua sa ginanap na tax reform seminar para sa mga mamamahayag kaugnay sa naging panukala ng Department of Health, (DOH) na patawan ng buwis ang mga salty food.
Ayon kay Chua, pinag-aaralan nila ang naturang panukala ng DOH subalit hindi para buwisan kundi upang i-regulate at i-promote ang mga epekto nito sa kalusugan.
“We are studying it but it seems like the best way to do it is by regulation and promotion of the health aspects, not from the tax,” diin ni Chua.
Ayon naman kay Finance Assistant Secretary Antonio Lambino III, bagaman may mga pag-aaral na isinasagawa hinggil sa salty food, hindi ito naka-focus sa pagpapataw rito ng buwis.
Aniya, may technical working group na kinabibilangan ng DOF, Department of Trade and Industry (DTI) at DOH upang pag-aralan kung paano mababawasan ang konsumo ng pagkaing walang nutritional value.
“Ang priority talaga natin ay suportahan ang health status ng ating mga kababayan, gawing mas malusog ang populasyon ng Filipinas. So we are working with DTI and DOH to figure out ano nga ba ang mga dapat mabawasan na pagkonsumo ng pagkain na very low or zero nutritional value,” giit ni Lambino.
“’Yung pinag-aaralan natin kung ano ang uri ng pagkain na very low nutritional value, in fact some food have zero nutritional value, ‘yung ang tutu-tukan,” dagdag pa niya.
Ani Lambino, ang isa sa mga panukala ay ang lagyan ng label ang pagkain upang matulungang pumili ang publiko ng kanilang kakainin.
“Mayroon diyan na potential food labeling types of intervention para alam ng taumbayan kung ano ba ‘yung pagkain na mas masustansiya at ano ‘yung hindi masustansiya,” aniya.
Nilinaw rin niya na walang pormal na panukala para buwisan ang mga maaalat na pagkain.
“Wala pa pong specific na proposal. What we really want to focus on are low nutrition or zero nutrition food. Ang objective is to improve the health status of the Filipino people,” dagdag pa ni Lambino.
Binigyang-diin nina Chua at Lambino na ang tinututukan ng DOF ay ang pagpapataw ng dagdag-buwis sa alcoholic drinks at tobacco products para mapondohan ang Universal Health Care.
Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary and spokesman Eric Domingo na pinag-aaralan nila ang posibilidad na buwisan ang maaalat na pagkain. VICKY CERVALES
Comments are closed.