TALIWAS sa ipapatupad na “no touch policy” ng Presidential Security Group (PSG) dahil sa panganib sa COVID 19. Iginiit ni Senador Christopher Bong Go na hindi matatakot si Pangulong Rodrigo Duterte sa banta ng epidemya para lumayo sa publiko.
Sa isang panayam, sinabi ni Go na trabaho ng PSG ang pangalagaan ang kalusugan ng presidente, subalit base sa pag-uusap umano nila ni Pangulong Duterte ay hindi sila lalayo sa mga tao
“Kung magpapakita kami ng takot, matatakot din ang mga Filipino” anang senador.
Paliwanag ni Go, pinasok nila ni Duterte ang kanilang trabaho kaya hindi sila natatakot na mamatay at handang mamatay para sa taumbayan.
“Hindi papayag ang Pangulo na lalayo sa mga tao. Sa totoo lang advise nga ng doctor ng Pangulo ay pangalagaan ang kalusugan ng Pangulo at baka mahawa dahil na rin sa kanyang edad dahil talagang kinakamayan at kinakausap ang mga tao,” giit ng senador.
Dahil dito, hindi umano dapat mag-alala ang publiko dahil makikipagkamay pa rin ang Pangulo at makikipag boodle fight pa rin sila kahit saang sulok ng Filipinas.
Nauna rito, inihayag ng PSG na ipapatupad nila ang “no touch policy” sa Pangulo dahil na rin sa banta ng COVID-19 sa kalusugan nito.
Samantala. apela ni Go sa taumbayan na huwag mag panic at suportahan na lamang ang mga opisyal ng Department of Health at magtiwala sa gobyerno. VICKY CERVALES
Comments are closed.