HINDI makatarungan at isang uri ng diskriminasyon.
Ganito inilarawan ng tagapagsalita ng PASAHERO Party-list na si Atty. Homer Alinsug ang bagong polisiya ng gobyerno na “No Vaccination, No Ride” na nagbabawal sa mga indibiduwal na gumamit sa mga pampublikong transportasyon kung hindi sila bakunado.
Ani Alinsug, mistulang isang uri ng diskriminasyon ang bagong alituntunin ng gobyerno laban sa unvaccinated passengers dahil wala pa naman aniyang umiiral na batas na nag-aatas na gawing mandatory ang pagpapabakuna.
“Bagaman kaisa ang aming partido sa paghikayat sa publiko na magpabakuna, hindi naman ito compulsory o mandatory. Kaya masasabi natin, walang batas na nalalabag kung hindi ka magpapabakuna,” paglilinaw ni Alinsug.
“Ang pagpapabakuna ng isang indibiduwal ay sarili niyang desisyon at hindi ibinase sa batas. Kaya huwag naman nating i-discriminate ang mga unvaccinated sa pagsakay sa mga public transport,” dagdag pa ni Alinsug.
Reaksyon ito ng PASAHERO matapos ipalabas ng Department of Transportation ang “no vaccination, no ride” policy na ipatutupad sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon patungo, mula at sa kabuuan ng Kalakhang Maynila.
Sa ilalim ng kautusang ito ng DOTr, inaatasan ang lahat ng operator ng public transport (land, air and sea) na tanggapin lamang ang mga mananakay na bakunado at may maipakikitang vaccination ID.
Ayon kay Alinsug, imbes na maghigpit ang gobyerno sa mga unvaccinated, mas makabubuti kung palakasin na lamang nito ang kampanya na humihikayat sa lahat na magpabakuna.
Hiniling din ni Alinsug sa gobyerno na ikonsidera ang kapakanan ng ilang sektor ng lipunan tulad ng mga may kapansanan at may mga karamdaman na maaaring lumabag sa bagong polisiya dahil sa pangangailangang pangkalusugan.