MAHIGPIT na ipatutupad sa Isabela ang hindi pagpapasok sa lalawigan ng mga ‘di bakunado kaya binalaan ang mga biyahero na hindi sila makararaan sa mga quarantine border control points at sa halip ay maaari pang kasuhan kung magpupumilit.
Maging sa mga establisimyento ay hindi rin makapapasok ang hindi bakunado, maging pampribado at pampubliko.
Ayon. kay Atty. Elizabeth Binag, ang Information Officer ng Provincial Government of Isabela, nakasaad sa EO No. 1 series of 2022, na dapat ay istriktong naipapatupad ang naturng polisiya.
Mamomonitor aniya ang pagsunod dito ng lahat ng mga establishimento sa pamamagitan ng quarterly compliance report ng Public Safety Office mula sa report ng mga alkalde sa bawat munisipalidad at siyudad.
Kabilang na rin sa inasatasan ni Governor Rodito Albano III ang Isabela PPO, DTI, DILG, Isabela PHO at Public Safety Office na regular na imonitor ang public at private establishments.
Aniya, bagaman walang nakasaad sa naturang kautusan ng sanction o penalty sa mga establishimento kung hindi nasunod ang mga ito ngunit ang Local Chief Executives umano ang mananagot.
Dagdag pa niya, wala namang rason upang hindi nila ito mahigpit na ipatupad at maaari namang ang LGU na ang magpataw ng penalty sa mga hindi susunod sa No vaccine, no Entry policy lalo na kung nakapaloob ito sa kanilang resolusyon, ordinansa o Executive Order.
Nilinaw naman ni Atty. Binag na may mga exemptions naman sa mga hindi pwedeng mabakunahan subalit limitado lamang sa pag-access ng mga basic commodities and services gaya ng pagbili ng pagkain, gamot o pagtungo sa mga pagamutan at iba pa na pinapayagan sa ilalim ng Alert level 2.
Kailangan lang aniyang magprisinta ang mga ito ng proof o patunay na hindi sila puwedeng tumanggap ng bakuna.
Gayunman, ang mga eligible individual na mabakunahan subalit hindi pa bakunado ay kailangang sumunod sa panuntunang ito.
Paglilinaw pa ni Atty. Binag na ang mga tinutukoy na “vaccinated” sa naturang EO ay ang mga nakakumpleto na ng bakuna. IRENE GONZALES