SUPORTADO ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang pagpapatupad ng Department of Transportation (DOTr) ng “no vaccination, no ride/no entry policy” sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Jason Salvador na bilang katuwang at kaagapay ng pamahalaan sa pagsulong ng ligtas na paglalakbay, ang Parañaque PITX ay tatalima sa kautusan at mahigpit na magpapatupad ng mga kinakailangan para sa kaligtasan ng mga mananakay.
Makikipag- ugnayan ang PITX sa DOTr at LTFRB kung kailan ipapatupad ang paghihigpit sa mga pasaherong papasok sa nasabing terminal.
Nauna nang iniutos ni Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride/no entry” policy sa NCR.
Sa kanyang Department Order (DO), sinabi ni Tugade na ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy ay magkakabisa habang ang COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas pa ay nananatiling nakataas sa NCR.
Ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng DOTr ay inaatasan na tiyakin na ang mga operator ng pampublikong transportasyon ay papayagan lamang na mag-isyu ng mga tiket sa mga taong ganap na nabakunahan’ na may physical o digital copy ng vaccine card. L SORIANO