‘NO VAX, NO RIDE’ POLICY NG DOTR, HINDI DISCRIMINATORY —DOJ SEC

DINEPENSAHAN  ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang ipinatutupad na “No Vax, No Ride” policy ng Department of Transportation (DOTr).

Binigyang diin ni Guevarra na hindi discriminatory sa mga hindi bakunadong indibiduwal ang naturang polisiya dahil may kapangyarihan ang pamahalaan na limitahan ang galaw ng mga unvaccinated individuals para na rin sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Aniya, pinahihintulutan pa rin ang mga hindi bakunado na sumakay sa pampublikong transportasyon kung ito ay para sa trabaho at pagbili ng essential goods.

Maliban dito ay pinapayagan din na makasakay sa PUVs ang mga may medical condition na hindi maaaring magpabakuna.

Ipinunto pa ni Guevarra na maliwanag ang guidelines sa ilalim ng naturang polisiya.

Matatandaang tinawag ni Public Attorney’s Office chief Persida Acosta na discriminatory ang hindi pagpapasakay sa public transportation ang mga hindi bakunado.

Aniya, wala pang batas na nag-aatas na mandatoryo ang pagbakuna sa Pilipinas.

Pinababawi naman ni Governor Chiz Escudero sa Department of Transportation ang polisiyang ‘No vaccination, no ride’ policy dahil ito ay discriminatory.

“Wala namang batas na tinatayuan ang ‘no vax, no ride’ policy ng DOTr. Dapat agad na ito ay bawiin dahil hadlang ito sa malayang paggalaw ng publiko, bakunado man o hindi,”

Ayon pa kay Escudero, ang pampublikong sasakyan ay para sa lahat, para sa mga papasok sa trabaho, para sa mga may kailangang pumunta sa hospital, para sa mga may bibilhin sa botika o grocery.

Pinaiiral ang polisiya nitong Lunes sa mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, taxi, jeepney, sasakyang pandagat at eroplano upang maiwasan ang pagkalat o hawahan ng CO­VID-19.