‘NO VAX, NO RIDE’ POLICY PINABABAWI

Senador Chiz Escudero

DISCRIMINATORY at walang legal na basehan ang pinaiiral na “no vaccination, no ride” policy.

Ito ang pahayag ni dating senador at Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero kasabay ng panawagan sa Department of Transportation na agad na bawiin ang nasabing polisiya.

“Wala namang batas na tinatayuan ang ‘no vax, no ride’ policy ng DOTr. Dapat agad na ito ay bawiin dahil hadlang ito sa malayang paggalaw ng publiko, bakunado man o hindi,”

Ayon pa kay Escudero, ang pampublikong sasakyan ay para sa lahat, para sa mga papasok sa trabaho, para sa mga may kailangang pumunta sa hospital, para sa mga may bibilhin sa botika o grocery.

Pinaiiral ang polisiya nitong Lunes sa mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, taxi, jeepney, sasakyang pandagat at eroplano upang maiwasan ang pagkalat o hawahan ng COVID-19.