(‘No work, no pay’) HINAING NG ENTERTAINER TULAD NI KITKAT FAVIA IPINAAABOT SA GOBYERNO

HINDI nauubos ang hinaing ng bawat tao sa patuloy na paglaganap ng CoVid-19 virus. Marami na ang apektado lalo na ang iba’t ibang encounters with pmsektor ng mga hanapbuhay. Isa na ang lubusang apektado ay ang mundo ng entertainment.

At isa na rito ang komedyanang si KitKat Favia. Bukod sa nakagagawa ng stand up comic, umaarte, kanta at sayaw din sa pelikula at telebisyon pati na sa corporate shows.

“Isa ako sa mga PINOY PERFORMER / BAR ENTERTAINERS na apektado ng COVID19 krisis.

“Kalimitan sa amin ay self employed, no work, no pay, no benefits. Totoo na bilang isang bar entertainer, mas malaki ang kinikita namin kumpara sa ibang trabaho at malimit na iniisip pa na mas madali ang trabaho namin bilang isang mang-aawit, mananayaw o kahit na ang pagpapatawa.

“May punto naman sila pero ito ang hindi alam ng nakararami.

“Oo, mas malaki ang suweldo namin pero mas malaki din ang gastos namin sa pagbili ng bagong damit at bagong gamit dahil kailangan namin ‘yun sa trabaho namin na kalimitan ay ibinebenta o ipinamimigay din namin kasi di rin namin pwedeng gamitin ng paulit-ulit.

“Oo, mukhang madali lang ang trabaho namin kasi nakaupo lang kayo habang pinapanood kami pero ang totoo, mahirap dahil habang kayo ay nakaupo kami naman ay magdamag nakatayo, nagsasalita o tumutugtog ng instrumento na hawak namin na minsan ay nagiging dahilan din ng aming pagkakasakit.

“Oo, nakikita nyo kami na laging masaya sa entablado pero ang totoo karamihan sa amin ay nagpapanggap lang na masaya dahil paano kami papasukin sa bars kung makikita nyo kaming malungkot at dala-dala ang mga personal naming problema, trabaho namin ang pasayahin kayo sa abot ng aming makakaya kaya napag-aralan na namin ang magkubli ng aming tunay na nararamdaman.

“Oo, kalimitan sa mga napanonood niyo sa amin ay mukhang mayayaman pero ang totoo mas marami rin ang kagaya nyo na kinakapos din sa buhay, hindi naman lahat ay malaki ang sweldo ng mga bar entertainers at baka magulat kayo kapag nalaman nyo ang sweldo ng iba sa amin ay halos kaparehas lang ng sa inyo, kaya nga kung napapansin nyo ay masayang- masaya kami kapag may nagpapaabot ng tip sa amin, malaki man o maliit dahil dagdag kita na rin ‘yun sa isang gabi.

“Oo, alam namin na nagtatanong kayo kung bakit mas pinili namin ang ganitong trabaho kahit alam namin na pwede naman kaming pumasok sa isang kumpanya na buo ang benepisyo na pwede naming matanggap, kasi masaya kami sa ginagawa namin at may ilan din sa amin na pagmamahal na lang sa trabaho ang dahilan kung bakit sila nananatili dito, dahil ito na ang kinamulatan nila at dito na nila binuhos ang mga nagdaang taon sa buhay nila.

“Oo, kailangan din namin ang suporta ng gobyerno hindi dahil sa wala kaming naipon sa gabi-gabing pagtatanghal namin, kundi dahil una, bahagi rin kami ng mga Pinoy na nawalan ng trabaho at matagal pa bago makabalik ulit, pangalawa karamihan sa amin ay bumubuhay ng pamilya namin, may asawa, may anak at may mga magulang na umaasa sa amin, pangatlo ilan sa mga bar entertainers ay may edad na rin na kailangan na din ng gamot na dati ay hindi naman namin hinihingi sa gobyerno dahil may pambili naman kami pero dahil nga sa walang trabaho ngayon, saan namin ito kukunin.

“OO, may ipon kami, pero katulad ng isang nauupos na kandila, hindi sapat ang ipon na ito para sa pang- matagalang panahon na walang trabaho lalo pa at hindi naman prayoridad sa ngayon ang bars na mabuksang muli dahil iniiwasan nga natin na mas lumala ang krisis ng pagkakasakit.

“Oo, isinulat ko ito para iparating sa lahat na katulad niyo din kami na apektado sa nangyayari… tulad ng nasa larawang ito… eto po kami kapag walang trabaho, ang meron lang kami ay ang aming sarili kasamang nag-iisa ang instrumento o talento na syang haligi namin sa gabi- gabi naming trabaho na ngayon ay wala na at mukhang matatagalan pa bago pa makabalik.

“OO, KAILANGAN PO NAMIN ANG TULONG NINYO.

“Kung isa ka sa FILIPINO ENTERTAINERS na apektado rin… ibahagi mo ito.

Madali ring dayuhin ng pagkabagot si KitKat kaya maya’t maya rin itong nagti-Tiktok sa kanya socmed accounts.

Sana nga may agarang maging sagot ang mga kinauukulan sa hinaing niya sampu ng mga nakararamdam din ng gaya ng kay KitKat sa ngayon.

Comments are closed.