KABILANG ang Philippine National Police Academy (PNPA) sa Camp Castaneda sa Silang, Cavite sa nahagip ng major reshuffle ni PNP Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr.
Ayon kay Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, chief ng PNP Public Information Office na itinalaga bilang director ng akademya si Brig. Gen Eric Noble.
Pinalitan ni Noble si Maj. General Alex Sampaga na bumalik sa PNP National Headquarters sa Camp Crame.
Si Noble ay dating pinuno ng Police Community Affairs and Development Group mula 2020 hanggang Agosto 2022.
Magugunitang nitong nakaraang linggo ay nagpatupad ng major reshuffle si Azurin sa PNP kasama ang command group.
Samantala, pinasalamatan ng mga opisyal, tauhan at mga guro si Sampaga sa kanyang dedikasyon, passion at serbisyo sa PNPA na nagbunsod ng reporma at paglakas ng akademya sa pamamagitan ng kanyang inisyatibo sa pagpapatupad ng programa.
Kabilang sa pinamunuan ni Sampaga ang PNP Center for Police Strategy and Management na may tanggapan sa Camp Crame sa Quezon City. EUNICE CELARIO