NOCHE BUENA PACKAGES SA1.2M NA MAHIHIRAP

NOCHE BUENA PACKAGES

UMABOT sa 1.2 milyon na mahihirap na pamilya sa Maynila ang magkasamang binigyan nina Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso  at  Vice Mayor Honey Lacuna ng kanilang  ‘Noche Buena’ packages upang tiyakin na mayroon silang pagsasaluhan sa hapag sa bisperas ng Pasko.

Sinimulan nina  Moreno at Lacuna ang gift-giving sa District 1 at magpapatuloy hanggang sa mabigyan ang lahat ng mahihirap na pamilya sa anim na distrito ng Maynila.

Nabatid kay Social Welfare head  Re Fugoso na  mayroong 20,000 Christmas packages ang nakalaan sa bawat isang distrito at ipagkakaloob sa  apat na batch sa bawat area.

Dakong alas-8 hanggang 11 ng umaga sini­mula ang pamimigay nina  Moreno at Lacuna na may 20,000 gift boxes sa bawat padre de familia ng  Barangay 137 sa covered court ng Balut at Barangay 105 sa Frans Varon Court at Dagupan Coral Court sa Tondo, Manila.

Ayon kay  Fugoso, ang bawat isang noche buena box ay naglalaman ng food items na karaniwang hinahanda sa noche buena maliban sa hamon dahil sa pananalasa  ng African Food Swine (ASF) at bilang kapalit ay mga de latang laman ang nasabing package.

Ang mga pinagkalooban ng noche buena packages ay pawang mga tukoy na mahihirap alin­sunod sa validation na ginawa sa mga ito.

Ayon pa kay Moreno,  ang  naturang gift-giving ay bahagi ng pakikiisa ng pamahalaang lungsod sa diwa ng Kapaskuhan at pag-aalala sa mga mahihirap sa lungsod. VERLIN RUIZ

Comments are closed.