MAGSISIMULA na ang deliberasyon sa Kamara sa panukalang 2019 budget ayon sa napagkasunduang petsa ngayong Martes, ika-31 ng Hulyo, ayon sa pahayag ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles kasabay ng paggiit na batid ng pamunuan ng Mababang Kapulungan ang kahalagahan ng maagang pagsasabatas ng General Appropriations Act (GAA).
“Ang buhay ng gobyerno ay nakasalalay sa budget, at bilang mga mambabatas, alam namin na nakaatang sa aming mga balikat ang kapangyarihang maingat na itakda ito,” ayon sa mambabatas mula Davao.
“Alinsunod sa ipinangakong maayos na transisyon ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, uumpisahan na namin ang nakaplanong pagtalakay sa 3.7 trilyong pisong 2019 budget ngayong Martes,” ayon kay Nograles.
“Hangad naming ipasa ang GAA sa tamang oras upang matiyak natin na ito ay makatutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga probinsiyano na lubhang kailangan ang karagdagang imprastraktura at social services,” paliwanag pa ng kongresista mula Mindanao.
Kinumpirma rin ng abogadong mambabatas na opisyal na nilang natanggap ang panukalang National Expenditure Program (NEP) ng Malacañang mula sa tanggapan ng Speaker. Ang NEP ang magiging batayan ng taunang budget para sa 2019.
Ayon sa panukala, ang sektor ng edukasyon ang paglalaanan ng prayoridad ng administrasyong Duterte. Susundan ito ng Kagawaran sa Pampublikong Pagawa (DPWH) at ng Department of Interior and Local Government, Department of National Defense, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of Transportation, Agriculture Department, Judiciary, at ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).
Unang isasalang sa pagsusuri ng komite ni Nograles ang panukalang budget ng Department of Budget and Management (DBM), National Economic and Development Authority, Department of Finance, at ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ang budget para sa susunod na taon ay gagamit ng “cash-based budgeting,” imbes na ang tradisyunal na “obligations-based budgeting system” na karaniwang ginagamit sa nakaraan. Ayon sa DBM, ang sistemang ito ay mas maayos na paraan sa paglalaan dahil nililimitahan nito ang pangungutang at niri-require nito ang kabayaran sa bawat serbisyo at “goods” na naihahatid, nasusuri at tinatanggap ng pamahalaan sa loob ng nakatakdang taon.
“Siyempre, titingnan natin kung mabisa ang bagong sistemang ito sa gitna ng implementasyon ng mahahalagang proyekto ng gobyerno. Susuriin din natin ang implikasyon nito sa malalaking proyekto,” paliwanag pa ni Nograles.
Nakatakda na ring talakayin ng Kamara ang panukalang budget ng Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Agriculture, National Food Authority, National Irrigation Administration, Philippine Coconut Authority, Fertilizer and Pesticide Authority, at ng Department of Agrarian Reform.
Comments are closed.