NOGRALES: ANG BIGAS AY BUHAY

REP-NOGRALES

IKINATUWA ni House Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles ang hakbang ng National Food Authority (NFA) Council na ayusin ang mga inisya­tibo sa pagbili ng palay, kasabay ng pahayag na ang planong pagbibigay ng insentibo sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtaas sa buying price ng palay sa P20 kada kilo ay magpapalaki ng imbak ng ahensiya.

Sa Kapihan sa Manila Bay media forum, sinabi ni Nograles—na siyang naunang nanawagan sa NFA Council na itaas ang presyo ng binibiling palay mula sa mga magsasaka sa P22 kada kilo – na siya ay natutuwa dahil pinakinggan ng NFA ang kanyang mungkahi.

“Natutuwa ako na somehow nag-aadjust naman ang NFA Council. Bagama’t hindi nila inakyat ang buying price ng palay, dinagdagan naman nila ang insentibo sa pamamagitan ng diumano, ang sabi po nila dinagdagan po nila ang insentibo para sa magsasaka,” ayon sa mambabatas mula Davao.

Ang tinutukoy ni Nograles ay ang anunsiyo ni Agriculture Secretary at NFA Council Chairman Emmanuel Piñol noong Lunes na inaprubahan na ng NFA Council ang pagbibigay ng insentibo para sa mga magsasakang magbebenta ng kanilang aning palay sa pamahalaan.

“Ang buying price ng NFA ay nananatiling P17 kada kilo, ngunit magla­labas kami ng mga insentibo na kung susumahin ay aabot sa P20 kada kilo ang presyo sa pagbili ng gobyerno,” ayon kay Piñol sa isang pulong-balitaan matapos ang kanyang unang meeting sa NFA Council.

Inanunsiyo ni Piñol na magbibigay ang NFA ng insentibong pantransportasyon sa mga magsasaka na magbebenta sa gobyerno ng kanilang mga inaning palay. Makatatanggap din umano ng mga gamit pansakahan ang mga ito, bukod pa sa iba pang insentibong ibibigay ng gobyerno.

Ang mga balitang ito ay patunay, ayon kay Nograles, na ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tamang hakbang sa pamamagitan ng pagpapasailalim sa DA ng hurisdiksiyon sa NFA sa inisyu nitong Executive Order No. 62.

Ang nasabing kautusan na nilagdaan noong Setyembre 17 ay kumikilala sa NFA Council, at humirang sa kalihim ng Department of Agriculture bilang NFA chairman.

“Natutuwa ako na balik na ang DA sa NFA Council dahil sa tingin ko ay may malaking pagkukulang noong hindi naisama ang Department of Agriculture sa NFA council,” ayon kay Nograles.

“Ako po’y sang-ayon na ibinalik na po sa DA ang NFA para mas matutukan na ang panga­ngailangan ng ating mga magsasaka. Marami pong mga pangangailangan ang ating mga magsasaka at kasama po ang NFA sa pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka natin,” dagdag pa nito.

Bagama’t ikinatuwa nito ang bagong hakbang ng pamahalaan sa usapin ng bigas, iginiit naman ng mambabatas ang kanyang rekomendasyon sa pagpapataas ng NFA Council sa buying price ng palay sa P22 kada kilo.

“Ang ating patuloy na panawagan sa NFA Council ay itaas po ang buying price to P22 para sa ganoon ay mas matulungan pa natin ang ating mga farmer.”

“Sa maraming Filipino, ang bigas ay buhay, kaya dapat nating tiyakin na may bigas sa mga pamilihan na abot-kaya ang presyo at madaling makabili nito,” dagdag pa niya.

Comments are closed.