NOGRALES: KAMARA DOBLE-KAYOD PARA SA 2019 NATIONAL BUDGET

Rep-Karlo-Nograles

MAHABA-HABANG  linggo ito para sa mga mambabatas base sa inilabas na iskedyul ng Committee on Appropriations ng Kamara para sa sponsorship at pagtalakay sa plenaryo upang tapusin ang mga debate hinggil sa 3.757 trilyong pisong 2019 national budget.

Ito ang kinumpirma ni House Appropriations Committee Chair Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles sa isang pana­yam sa radyo ngayong Huwebes na nagsabi na ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso ay maglalaan ng karagdagang oras para ipasa sa takdang panahon ang budget.

“Bagama’t medyo naantala ang aming pagsisimula, at na-delay ng kaunti, gagawin namin ang nararapat upang ipasa ang budget sa takdang oras, kahit pa magtrabaho kami hanggang madaling araw,” giit ng mambabatas mula Davao, kasabay ng pahayag na umabot nang lampas alas-tres ng madaling araw ang Kamara ngayong Huwebes dahil sa pagtalakay sa budget.

Inaasahan din umano ng kongresista na ma­ging komprehensibo ang mga diskusyon at debate sa budget dahil nasa estado na ng deliberasyon kung saan bubusisiin na ang National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Sangay Ehekutibo.

Ayon kay Nograles, “dito na po papasok ‘yung papel ng Kongreso sa pagtukoy kung ano ba talaga ‘yung mabuti para sa taumbayan.”

“Doon na po magkakaroon ng adjustments sa NEP; magiging general appropriations bill ‘yan kasi ang Kongreso na po bilang mayorya ay magpapasya kung saan ilalaan ang pondo at ano ang po­pondahan,” dagdag pa nito.

Sinabi rin nito  na bahagi ang mga debateng ito sa budget ng mas mala­king proseso na magpapahintulot sa mga mambabatas na magpanukala ng mga amyenda sa budget upang pondohan ang mga gawain ng mga ahensiya na sa pananaw ng mga kongresista ay nararapat at kinakailangan.

“So ang reason bakit dinedebate ay ang pagkuwestiyon sa paglalaan ng pondo. So may magku-question nu’n bakit dito, bakit d’yan, bakit hindi d’yan? Bakit dito? Bakit hindi d’yan?” So, tatapusin po ‘yung lahat ng debate at ‘pag natapos dito na po tayo papasok sa period of amendments kasi isa-summarize po muna natin lahat ng mga napag-usapan within the debate via motion,” paliwanag ni Nograles.

Halimbawa nito, ayon kay Nograles, ay kapag ang mga mambabatas ay magmomosyon upang ibalik ang budget para sa mga scholarship program para sa mga estudyante sa mga pribadong pamantasan sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED) o ang pagdadagdag ng pondo para sa Sitio Electrification Program sa ilalim ng National Electrification Administration (NEA).

Ang CHED at NEA ay naunang nagpahayag ng pag-aalala sa pagkakakaltas ng kani-kanilang mga budget, na lubhang makaaapekto sa kanilang mga programang ipinapatupad.

Binigyang diin din ni Nograles na ang hindi pagkakaintindihan ng mga mambabatas na nag-ugat sa pag-talakay ng budget ay kasama sa proseso at wala itong epekto sa kanilang kakayahang pagsilbihan ang kanilang katungkulan.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.