NOGRALES NANATILING APPRO COMMITTEE CHAIR, PEOPLE’S BUDGET WAGI

Rep-Karlo-Nograles

WAGI ang People’s Budget at ang adhikain ng Pangulo.

Ganito inilarawan ni House Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles  kahapon ang gusot na nangyari sa Kamara, kung saan umugong ang bali-balita na papalitan ang mambabatas mula Davao bilang pinuno ng Appropriations Committee na kanyang pina­ngangasiwaan mula pa noong Hulyo 2016.

Nauna nang sinopla ni Nograles ang anunsiyo ni Minority Leader Danilo Suarez, na nagsabi noong Lunes ng umaga na si Nograles ay tatanggalin bilang Appropriations Chair––na binawi naman ng kongresista mula Quezon.

“Hindi maaaring magsalita ang minority leader para sa koalisyon ng mayorya, at kanya na ngang binawi ang kanyang naunang pahayag,” ayon kay Nograles.

Pahayag pa ni Nograles, bagama’t ang Kamara ay may karapatang tanggalin siya bilang pinuno ng Appropriations committee, hindi niya hahayaang tanggalin ang pondong nakalaan para sa mga programang pakikinabangan ng mamamayan.

“Kung nais ng Kamara na tanggalin ako bilang Chair ng Committee on Appropriations, kanila na. Kunin na nila, ngunit hindi ko sila maaaring payagan na sirain ang pangako ng Pangulo sa ating mga kababayan, at hindi sila dapat payagang ipagkait sa milyon-milyong Filipino sa maraming lalawigan sa buong bansa ang mga programa at proyekto na lubhang kailangan ng aking mga kapwa-probinsiyano, sa pamamagitan ng kanilang pagbubutingting sa budget,” giit ni Nograles.

“Puwede nila ako tanggalin sa puwesto ko, pero ‘wag lang nila tanggalan ng budget ang Filipino.”

Sa kanyang pananatili bilang Chairman ng nasabing komite, sinabi ni Nograles na ipagpapatuloy nito ang trabaho sampu ng kanyang mga kasamahan at ang Sangay Ehekutibo upang ipasa ang isang General Appropriations Act (GAA) na pantugon sa pangangailangan ng bansa.

“Ang budget na ito ay hindi akin, atin ito. Ito ay budget para sa lahat ng ating mga kababayan at habang ako ang naninilbihan bilang Chairman ng komiteng ito, pagsisikapan ko at titiyaking ipasa ang isang General Appropriations Act na tutugon sa kapakanan ng lahat ng ating mga kababayan,” ayon kay Nograles.

Ayon sa kongresista mula Mindanao, mababatid naman mula sa track record ng kanyang paninilbihan ang uri ng kanyang paglilingkod.

“Sinikap ko na mapondohan ang mga batas na makagagaan sa buhay ng ating mga kababayan, tulad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act at ang Free Irrigation Service Act,” ayon sa mambabatas na nasa ikatlo nang termino.

“Sampu ng aking mga kasamahan sa Kongreso at ang Sangay Ehekutibo, pinagsumikapan nating ipanday ang isang budget na makapagtutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ang mga probinsiyano. Ipagpapatuloy ko ang laban para sa isang budget na titiyak sa katuparan ng mga ipinangako ng Pangulo.”