NOGRALES NANAWAGAN SA NFA COUNCIL, MANAGEMENT: SOLUSYON SA BIGAS, INFLATION

Rep-Karlo-Nograles

SA HARAP ng pinakabagong anunsiyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagbunyag sa pagsipa ng inflation sa 6.4% nitong Agosto, nanawagan kahapon si House Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ sa National Food Authority (NFA) Council at sa management ng NFA, sa pangunguna ni Administrator Jason Aquino, na isantabi ang kanilang alitan, tapusin ang pagtuturuan, at sama-samang pagtrabahuhan ang pagtugon sa kakulangan sa suplay ng bigas na isa sa nagpataas ng inflation sa bansa.

Noong Martes ay umapela si BSP Governor Nestor Espenilla, Jr. sa gobyerno na gawan ng paraan ang suplay ng pagkain sa bansa upang matugunan ang pagtaas ng ­presyo, kasabay ng pahayag na ang hindi inaasahan na sabayang paggalaw ng ‘cost-push factors’ ay patuloy na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng pangunahing mga panga­ngailangan noong Agosto, na mas mataas sa inaasahang katanggap-tanggap na lebel. Malaking bahagi nito ay may kinalaman sa biglaang epekto ng paggalaw sa suplay ng pagkain, lalong-lalo na ang bigas. Ang mga ito ay nangangailangan, aniya, ng mga kaparaanang hindi pinansiyal para lubusang matugunan.

“May dalawang nakalulungkot na aming nalaman nang aming tanungin ang mga kasapi ng NFA Council at ang pangasiwaan ng NFA noong Lunes: una, wala ni isa sa kanila ang gustong umamin sa problema ng bansa sa suplay at presyo ng bigas,” ani Nograles.

“Pangalawa, hindi nila kayang magkasundo at sama-samang gumawa ng hakbang kaya ang NFA ay hindi magawa-gawa ang kanilang mandato na magmantina ng 30-day buffer stock ng bigas at mamahagi ng murang NFA rice sa mga pamilihan,” dagdag ng mambabatas mula Davao.

Sa pagdinig noong Lunes, inamin ng pa­ngasiwaan ng NFA na nabigo itong abutin ang palay procurement targets dahil ang P17 bu­ying price ng palay ay mas mababa sa presyong inaalok sa mga magsasaka ng mga lokal na mangangalakal. Mula pa, aniya, noong nakaraang taon, hiniling na ng pangasiwaan ng NFA sa NFA Council na taasan ang buying price ng palay, ngunit hindi ito natugunan kahit na buwanang nagpupulong ang NFA Council.

Matapos itong mabunyag, inutusan ni Nograles ang NFA Council na agarang kumilos at tugunan ang rekomendasyon ng ­pangasiwaan ng NFA na itaas ang buying price ng palay.

“Napakalaki ng papel na ginagampanan ng NFA kaya ang mga ginagawa nito o ang hindi nito pagkilos ay may malaking epekto sa buhay ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ang mga kapwa ko probinsiyano, na kapag kumulang ang suplay ng bigas ay nagbabayad ng mahal may mapakain lamang sa kanilang pamilya,” pagbibigay-diin ni Nograles.

“Ngayon, kahit ang BSP––na kabahagi rin ng NFA––ay nagsasabi na ang suplay ng bigas o ang kakulangan nito ay ang isa sa sanhi sa paggalaw ng inflation. Kaya kung anuman ang pagkakaiba o alitan sa pagitan ng NFA Council at management, dapat nila itong harapin at pagkasunduan upang magawa na nila ang kanilang mandato dahil maraming umaasa sa kanila.”

Ayon pa kay Nograles,  hindi na dapat hintayin pa ng pamunuan ng NFA na muling ipatawag ng Kongreso para lang pagkasunduan ang mga bagay na ito.      “Kung ‘di ko pa sila kinompel na desisyunan ang buying price ng palay, baka ‘di pa sila umaksiyon diyan.”

Comments are closed.