SA KABILA ng kaliwa’t kanang panawagan sa abolisyon ng National Food Authority (NFA) dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas, sinabi ni House Appropriations Committee Chair Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles na kailangang man-atili ang ahensiya kahit maisabatas pa ang rice tarrification bill dahil kailangan ang NFA sa pagsasakatuparan ng ‘rice security’ at pagpapanatiling matatag ang suplay at presyo ng bigas sa bansa.
Sinabi ng kongresista mula Davao na nasa kanya nang ikatlong termino, na ang mga hakbang na isinasagawa ng NFA upang patatagin ang presyo ng bigas ay mahalaga kahit pa tanggalin ng pamahalaan ang mga limitasyon sa bulto ng aangkating bigas ng pribadong sektor.
“Sa ngayon, ang NFA ay naglalayong palakihin ang partisipasyon ng gobyerno sa merkado ng pagbibigas sa bansa upang mabigyan ang publiko ng pagkakataon sa murang bigas at pigilan ang mga nananamantalang negosyante na nagtatago ng kanilang stock,” ayon kay Nograles.
Inatasan ng Malacañang ang NFA sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 28 na nilagdaan noong September 21 ni Executive Secretary Salvador Medialdea na agarang ipalabas sa mga pamilihan ng humigit-kumulang 230,000 metriko toneladang bigas na kasalukuyang nasa kanilang imbentaryo. Sa ngayon, ipinalalabas na rin ng NFA ang 128,000 sakong bigas sa mga pamilihan upang ampatan ang pagtaas ng presyo nito.
“Kung bubuwagin ang NFA, anong ahensiya ang magsasakatuparan ng kanilang mandato? Kapag tinanggal ang quantitative restrictions, wala nang limitasyon ang pribadong sektor na umangkat ng bigas ayon sa pangangailangan ng merkado. Sa teorya, ang kumpetisyong bubuksan nito ay magtutulak pababa sa presyo nito. Ngunit walang garantiya na hindi sila magsasabwatan at kontrolin ang presyo,” paliwanag pa ng mambabatas mula Mindanao.
“Kapag nangyari, NFA ang nakaabang upang tugunan ang ganyang mga pagkakataon.”
Ayon kay Nograles, dapat hayaan ang NFA na tutukan ang pagpapalaki ng imbak nilang buffer stock at sa maayos na implementasyon ng palay procurement program mula sa mga lokal na magsasaka.
Ang mandato ng NFA ay ang magmantina ng 15-day buffer stock sa mga buwang mataas ang produksiyon ng bigas at 30-day buffer stock naman tuwing manipis ang ani ng mga magsasaka.
Sinabi rin ni Nograles na “ang kabiguan ng NFA na isakatuparan ang mandatong ito ay dahil sa kakulangan ng namuno at hindi dahil sa kabiguan ng buong ahensiya.”
Sinusugan din ng mambabatas ang pahayag ng mga ekonomista na naniniwalang ang NFA ay dapat na repasuhin at ireporma o i-‘repurpose’ at hindi buwagin.
Iginiit ni University of the Philippines economics professor at dating Socioeconomic Planning Secretary Cielito Habito sa isang forum ng Management Association of the Philippines na kailangang tutukan ng NFA ang pagmamantina ng mataas na imbentaryo ng bigas sa bansa.
“Ang NFA ay hindi dapat buwagin, ngunit dapat itong i-‘repurpose.’ Dapat nakatuon ang atensiyon nito sa buffer stocking, samantalang ang pagbibigay ng bigas sa mahihirap ay kayang isagawa ng DSWD (Department of Social Welfare and Development).”
Comments are closed.