NOGRALES PUMALAG SA BAWAS-BUDGET

Rep-Karlo-Nograles

LUBOS  na ikinalungkot ni House Appropriations Committee Chairman Davao City Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles ang malaking kabawasan sa budget ng pangunahing mga ahensiya ng pamahalaan sa i­lalim ng panukalang 3.757 trilyon pisong national budget para sa 2019 na iprinisenta sa kanyang komite ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Pinuna ni Nograles na ang “cash-based” budget para sa 2019 ay mas mababa ng P10 bilyon sa kasalukuyang P3.767 tril­yon  ng 2018 General Appropriations Act (GAA).

“Harapan nating tugunan ang problemang ito. Ang inyong panukala sa amin ay sampung bilyon ang ibinaba. Ngayon, lahat kami dito ay nag-aalala sa kabawasang idudulot nito sa iba’t ibang kagawaran at ahensiya, kagaya ng sa Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at sa Department of Public Works and Highways (DPWH),” pahayag ni Nograles kay Sec. Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management (DBM) na miyembro ng DBCC.

Ayon sa mambabatas mula Davao, malaki ang ibabawas sa budget ng mga mahahalagang ahensiya kagaya ng sa DOH (P35 billion); sa DepEd (P77 billion); at sa DPWH (P95 billion). Mababawasan din ng tiglilimang bilyong piso ang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Commission on Elections (Comelec).

Nangangamba si Nog­rales na  lubhang maaapektuhan ang pamamahagi ng proyekto at serbisyo sa mga nasa kanayunan, at aaray rito ang kanyang mga kapwa-probinsyano.

“Para sa 2019, ang hirap naman ipaliwanag sa mga kababayan natin na nag-reduce tayo ng mga classrooms, nag-reduce tayo ng mga barangay health unit, nag-reduce tayo ng mga kalsada dahil mayroon tayong ginagawang ganitong sistemang cash-based.”

“Lalong lalo na may pinasa tayong TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) law, gumawa tayo ng taxes dito. Ano naman ang sasabihin namin sa mga kababayan namin,” ayon pa sa chairman ng Appropriations panel ng Kamara.

“Maayos sanang naplantsa lahat ng mga usa­ping ito kung mas malaking budget ang isinumite ng DBCC. Ako, ang inaasahan ko ay budget na hindi bababa sa 3.9 bilyong piso,” daing pa ng mambabatas.

Ang panukalang pambansang budget para sa 2019 ay “cash-based,” kaiba sa kadalasang ginagamit na “multi-year obligations-based budgeting.” Ayon sa paglalarawan ng DBM ang sistemang ito ay mas maayos na pamamaraan dahil nililimitahan nito ang pagkakaroon ng mga bayarin at makapagpapalabas ng kabayaran sa mga serbisyong napagsilbihan at mga suplay na nai-deliver, nasuri at tinanggap ng pamahalaan sa taon kung kailan ito inilaan.

Sagot naman ni Diok­no sa komite, ang panukalang 2019 budget at ang kasalukuyang 2018 budget ay hindi maaaring ikompara dahil ang ipaiiral na sistema sa susunod na taon ay “cash-based” samantalang ang kasalukuyang ginagamit ng pamahalaan ay “obligations-based” – kung kaya ang P10 bilyong  kabawasan, ayon sa kalihim ng DBM, ay hindi tamang pagsasalarawan.

Ngunit nanindigan si Nograles na sa kabila ng nakikitang diperensya sa kasalukuyang sistema sa pangangasiwa ng opisyal na pondo, ang obligations-based budgeting ay ang siya pa ring maitatanging paraan kung ang sistemang “cash-based” ay bawas-pondo para sa mga napapag-iwanang mga rehiyon ang kalalabasan.

“Ang nakikita po nga­yon ng mga economic managers natin, based sa pera na inaallocate ng kongreso sa iba’t ibang mga departamento at ahensya, mabilis ang pag-obliga ng pondo. Obligated, meaning to say, para hindi mag-revert ang funds, ino-obligate nila before the year ends. Kapag sinabing obligated, may gagawa na nu’ng proyekto. Masisimulan na,” paliwanag ni Nograles.

“Pero ‘yung kabagalan doon sa pagsisimula at pag-iimplement at sa pagkokompleto ng proyekto, doon nagkakaroon ng aberya. Kaya ang ginawa po ng DBCC, ng DBM, mag-cash based po tayo. And that was the whole concept of the Budget Reform Bill (BRB) na pinasa ng Kongreso,” dagdag pa ng mambabatas.

“Wala sa usapan namin ng BRB at nitong cash-based na ito ang slash, slash, slash,” daing ni Nograles.

Ayon pa sa abogadong kongresista, ang importante ay ang pamamahagi at pagsasakatuparan ng mga ipinangako ng administras­yong Duterte sa publiko.

“Ipinasa natin ang TRAIN law, nangako tayo nang nangako sa ating mga kababayan. Ngayon, babalik tayo sa kanila at sasabihing, hold muna tayo sa [school] buildings, hold muna tayo sa barangay health centers, hold muna tayo sa infrastructure projects. Papaano natin ito ipapaliwanag sa kanila?”

Comments are closed.