NOGRALES SA DTI: ABUSADONG NEGOSYANTE PANAGUTIN

Rep-Karlo-Nograles

NANAWAGAN kahapon si House Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles sa Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang mga hakbang ng ahensiya laban sa mga walang pusong negosyante ng bigas matapos magpasa ang konseho ng Zamboanga City ng resolusyon na humihikayat sa lokal na pamahalaan ng nasabing siyudad na isailalim sa state of calamity ang lungsod dahil sa lubhang pagtaas sa presyo ng bigas.

Matapos hikayatin ang National Food Authority (NFA) na siyasatin ang umano’y ‘abnormal’ na presyuhan ng bigas sa nasabing rehiyon at ipalabas sa ahensiya ang 6,000 metriko toneladang NFA rice, nagbabala rin si Nograles na bukod sa bigas, maaari ring samantalahin ng ‘magugulang’ na ne­gosyante ang krisis upang pati ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin ay manipulahin din at isisi sa TRAIN Law, maging sa sama ng panahon, ang kanilang mapang-abusong gawain.

Ayon sa mambabatas mula Davao, nanganganib sa ganitong gawain ang mga nasa kanayunan, lalo na ang malalayo sa kabayanan.

“Habang lumalayo ang mga negosyante sa mata ng pamahalaan, mas lumalala ang kati ng mga ito na pagsamantalahan ang mga mamimili,” babala ng kongresistang taga-Mindanao.

“Kailangan nating idikdik ang mensahe na walang buting idudulot ang pananamantala kanino man. Dapat malinaw sa mga ito na pagbabayarin sila ng gobyerno sa kanilang mga ilegal na gawain.”

Noong nakaraang Hunyo lamang, nauna nang binalaan ng DTI ang mga negosyanteng nagmamanipula sa presyo at sobra-sobrang nagpapatubo na maaari silang patawan ng multa hanggang isang milyong piso.

Bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, pinaigting na rin ng DTI ang kanilang pagbabantay sa presyo upang tiyakin na ang mga pangunahing panga­ngailangan at iba pang bilihin ay nasa tamang presyuhan, batay sa suggested retail price o SRP. Sa mga lalawigan, nag-utos na ang DTI sa kanilang regional at provincial offices na magbantay sa galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hinikayat naman ni Nograles ang mga tanggapan ng DTI sa mga lalawigan na paigtingin nang husto ang pagbabantay dahil tiyak na ang mga probinsiyano ang unang nasasagasaan sa abnormal na pagtaas ng presyo.

Kasabay nito, hinikayat din ni Nograles ang publiko na ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang mga establisimiyento na nagbebenta ng mga bilihing mas mataas sa SRP.

“Batid naman nating lahat na ito ay tungkulin ng DTI, ngunit ito ay maaari ring pagtulungan nating lahat. Ang SRP ng mga pangunahing bili­hin ay nasa website ng DTI. Kung may mapansin tayong paglabag sa presyuhang ito, isumbong natin kaagad sa mga kinauukulan,” dagdag pa ng kongresista.

Comments are closed.