SA HARAP ng pag-apruba ng National Food Authority (NFA) Council sa importasyon ng 250,000 metriko toneladang bigas sa pamamagitan ng open tender, hinimok ni House Appropriations Chairperson Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles kahapon ang pangasiwaan ng NFA na siguruhin na ang inangkat na bigas ay maayos na maipamamahagi upang maiwasan ang mga problema sa bigas na naunang inangkat ng ahensiya.
Bago sumalang sa kanyang talumpati sa “Kasaysayan, Tanglaw ng Gurong San Joseno” sa San Jose Del Monte City, Bulacan, sinabi ni Nograles na dapat kinapulutan ng leksiyon ng NFA ang kanilang mga dating pagkakamali para ang mga papasok na suplay ng bigas ay makatugon sa pangangailangan ng bansa.
Bukod sa pag-aanunsiyo tungkol sa inaasahang pagdating ng inangkat na karagdagang suplay ng bigas sa Nobyembre, sinabi ng NFA na ang nasabing shipment ay magpapataas sa bulto ng NFA rice sa merkado ng halos 20%.
Pahayag pa ng mambabatas mula Mindanao, kung maipamamahagi nang maayos ang nasabing inangkat na bigas, patatatagin nito ang suplay sa bansa at pabababain nito ang presyo sa tamang lebel upang mapigilan ang pagsirit ng inflation rate.
“Dalawa lang sana ang hinihiling ko sa NFA. Una, siguruhin na ang suplay ng bigas ay mapupunta kung saan ito kinakailangan, lalo na sa mga probinsiyang walang palayan at malalayong pamayanan. Kailangan nating masiguro na ang ating kapuwa-probinsiyano ay may mabibiling bigas sa abot-kayang presyo,” giit ni Nograles.
“Pangalawa, pakiayos lang ang sistema sa pag-unload ng bigas. Kasi habang tumatagal sa bodega ng barko, lalong dinadapuan ng kung ano-anong insekto,” aniya pa.
Bilang halimbawa, ayon kay Nograles, ang kargamentong bigas galing Thailand sa Bicol ay nadiskubreng pinamahayan ng bukbok dahil inabot ng dalawang buwan ang itinagal nito mula nang dumating sa Maynila.
“Ang kargamentong ito ay dumating sa Maynila noong ikatlo ng Hunyo, ngunit ang alokasyon para sa Bicol ay dumating sa pantalan ng Tabaco noong Agosto 17 lamang. Dahil 177,000 sa kabuuang 200,000 sako ay may bukbok, lalo pang natagalan ang pagbaba nito dahil kinailangan munang i-fumigate ang bigas. Nandiyan pa ang masamang panahon. Sana naman this time around, i-anticipate na ng NFA ang ganitong klaseng problema, at paghandaan nila ang lahat ng maaaring kaharaping problema para ma-distribute agad ang bigas na ipapasok natin.”
Comments are closed.