MULING nanawagan si House Appropriations Chairman Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles sa National Food Authority (NFA) Council na itaas ang presyo ng pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa P22 mula sa kasalukuyang P17––at sa Mindanao mamili nito––upang padamihin ang buffer stock ng NFA at pababain ang presyo ng bigas.
Nauna nang nagsampa ng resolusyon sa Kamara si Nograles na nananawagan sa Committee on Agriculture and Food Security na magsagawa ng imbestigasyon upang pag-aralan at masusing suriin ang polisiya ng NFA Council sa pagbili ng palay sa halagang P17 kada kilo at pag-aralan ang pagtaas sa buying price ng palay sa P22 kada kilo.
Sa panayam ng media kahapon, sinabi ng mambabatas mula Davao na mahigit 10 taon na nang huling itinaas ang buying price ng palay at ang kasalukuyang presyo sa pagbili nito ay hindi makatarungan para sa mga magsasaka. Ang P17 na buying price, ayon kay Nograles, ay isa sa mga dahilan sa kabiguan na abutin ang target ng NFA sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.
“Napakabarat po ng presyo nitong NFA; hindi talaga ibebenta ng mga magsasaka ang kanilang ani sa P17 kada kilo. 2008 pa P17 ang presyo, o 10 taon na. Alam naman natin na mula noon, nagtaasan na ang presyo ng lahat. Langis, binhi, pataba at iba pa,” ayon kay Nograles.
Binigyang-diin din ni Nograles na ang kasalukuyang buying price ay nakapako sa hindi makatotohanang pagtataya sa halaga ng produksiyon ng palay.
“Ang sinabi pa ng NFA Council ganito: Cong, ‘di bale kasi ang cost of producing palay naman, eh P12 kaya kung P17 ang buying natin, may P5 pa raw na ganansiya ‘yung ating mga magsasaka. Naniniwala ka ba riyan? Na P12 ang cost ng pag-produce ng palay,” tila hindi makapaniwalang tanong ni Nograles.
Dahil dito, napipilitan, aniya, ang NFA ngayon na mag-angkat ng bigas upang makontrol ang pagtaas ng presyo nito dahil sa kakulangan ng suplay.
“Ngayon dahil nangangailangan tayo ng bigas dahil nga itong nagsisitaasan na nga ang commercial rice dahil sa kakulangan ng supply, ang ginagawa nila import naman sila nang import; so puro mga imported ang bigas natin,” ani Nograles.
Dahil sa banta ng bagyong Ompong sa ani ng palay sa Luzon, nararapat lamang, aniya, na bumili ng palay ang NFA sa mga magsasakang taga-Mindanao sa gitna na rin ng pagnipis sa buffer stock ng NFA na sapat na lamang sa pitong araw na may kabuuang bilang na 4.6 milyong sako.
“Ang problema natin, pinayuhan na ng economic team ang NFA na pabahain ng bigas ang merkado upang mapababa ang presyo nito. Ngunit kung sasalantain ng bagyo ang mga pananim sa Luzon—at sana ay hindi mangyari ito—sasapat ba ang bigas ng NFA na nakaimbak sa kanilang mga bodega,” tanong ng mambabatas mula Mindanao.
“Kaya nga ang aking rekomendasyon sa NFA ay ang taasan ang kanilang buying price, tapatan kung magkano ang bili ng mga mangangalakal ng bigas, at solohin ang bigas na maaaring bilhin sa mga magsasaka sa Mindanao; doon sila bumili para sasapat ang stock na bigas ng NFA upang maitulay nila ang pangangailangan ng bansa hanggang matapos ang bagyong ito at ang bagyong nanalasa sa bansa dulot ng mataas na presyo.”